Drum ng gasolina sumabog mangingisda, todas

Halos magkalasug-lasog ang katawan ng isang mangingisda matapos sumabog ang isang drum na naglalaman ng gasolina sa loob ng isang barko kamakalawa ng hapon sa Navotas.

Patay na bago dumating sa Tondo Medical Center ang biktima na nakilalang si Victor Vina, nasa hustong gulang, tubong Batangas at stay-in fishing boat worker ng Unity Fishing Corporation na matatagpuan sa Pier 5, Fishport, North Bay Boulevard South.

Ayon sa pulisya, dakong alas-5 ng hapon nang maganap ang insidente sa deck ng M/V Unity Neptune Fishing boat na nakahimpil sa nasabing lugar.

Napag-alaman na agad tumalima ang biktima sa utos ng kanyang amo na ilipat pababa ang drum ng gasolina.

Dahilan sa may kabigatan ay pinagulong na lamang nito pababa ang drum ng gasolina.

Habang pinapagulong ay aksidenteng sumayad ang drum sa live wire ng barko na naging dahilan para ito ay mag-spark at sumabog.

Agad na sinugod ang biktima ng kanyang mga kasamahan sa nabanggit na pagamutan subalit sa daan pa lamang ay namatay na ito dahil sa halos maghiwalay ang itaas at ibabang parte ng katawan nito. (Ulat ni Gemma Amargo)

Show comments