Boluntaryong sinabi ng dating presidential son na handa siyang sumailalim sa isang imbestigasyon na isasagawa ng pulisya o maging ng ibang institusyon tulad ng Senado upang malinis ang kanyang pangalan.
Inihayag kamakailan ni Mendoza na isang anak ng politiko sa San Juan na nasangkot na sa mga eskandalo sa droga ang lider ng sindikato ng droga sa bansa. Sangkot din umano ito sa ni-raid na super lab ng shabu sa Addition Hills, San Juan na nakumpiskahan ng higit P100M halaga ng mga aparato at raw materials.
Ipinagtanggol naman ni San Juan Mayor Joseph Victor (JV) Ejercito ang kapatid at sinabing may political motive ang pagdadawit kay Jude.
Idinagdag pa ni JV na isang demolition job ang ginagawa ngayon ng administrasyon dahil sa isinabay ito sa anibersaryo ng EDSA Dos.
Itinanggi rin nito na 10 taon na umanong nag-ooperate ang shabu lab sa may Araullo St., Brgy. Addition Hills. Aniya, noong Oktubre 2001 lamang umano nakakuha ng business permit ang naturang bungalow kaya may apat na buwan pa lamang ito.
Sa kabila ng pag-amin na walang kakayahan ang lokal na pamahalaan na lutasin ang problema sa droga sa bayan, sinabi ni JV na huwag magpagamit ang PNP sa kampanya ng administrasyon laban sa kanila.
Matatandaan na nagsagawa ng raid ang mga tauhan ng PNP Narcotics Group noong nakaraang Biyernes na nagresulta sa pagkakumpiska ng 213 kilo ng ephedrine, 208 bote ng ethanol at 204 acetone at mga apparatus at pagkadakip sa 7 Chinese national. (Ulat nina Danilo GArcia at Malou Escudero)