Maid hinalay muna bago pinagnakawan

Isang katulong ang ginahasa muna bago pinagnakawan ng hindi pa kilalang umano’y kahawig ng actor na si Onemig Bondoc kamakalawa ng hapon sa isang condominium sa Makati City.

Ang biktima ay itinago sa pangalang Ara, 23, dalaga, stay-in sa Unit 18-E, Tower B., Kingswood Condominium, Vito Cruz Extension at Pasong Tamo St., Barangay La Paz ng lungsod na ito.

Samantala, ang hindi pa nakilalang suspect ay mabilis na tumakas matapos gahasain ang biktima at tangayin ang cash na nagkakahalaga ng P39,000, video camera at cellphone.

Base sa inisyal na imbestigasyon ni PO3 Conrad Mapili, ng Theft and Robbery Section, Makati City Police, naganap ang insidente dakong alas-3:30 hanggang 4:00 kamakalawa ng hapon sa nabanggit na condominium.

Ayon sa salaysay ng biktima, kahawig umano ni Onemig Bondoc ang suspect at puwersahan itong pumasok sa nabanggit na condominium at siya ay tinutukan ng patalim sa leeg.

Matapos pagsamantalahan ang dalaga, tinangay ng lalaki ang nabanggit na halaga at mga kagamitan. Huli na bago nakahingi ng saklolo ang biktima dahil nakatakas na ito, na pinaghahanap ngayon ng pulisya.

Sa ngayon ay patuloy na iniimbestigahan ang nasabing kaso. (Ulat ni Lordeth Bonilla)

Show comments