8 miyembro ng 'Estribo Gang', tiklo

Walong hinihinalang miyembro ng ‘Estribo Gang’ na pinangalanan ang kanilang grupo bilang ‘Abu Sayyaf ‘ ang iniulat na dinakip ng pulisya sa isinagawang operasyon, kamakalawa ng gabi sa Malabon City.

Kinilala ni Supt. Ernesto Fojas Jr., hepe ng Malabon City Police ang mga naarestong suspect na sina Nilo Gualva, 35, ang tatlong kapatid nitong sina Roberto, 21; Nover, 20 at Rene, 28; Elgie Paruso,22; Manuel Tabiana, 42; Danny Mangalaso, 26 at Jeffrey Espiritu, 15, pawang residente ng Samlet Compound, Tugatog ng nabanggit na lungsod.

Sinabi ni Fojas na pinangalanan ng mga suspect ang kanilang grupo na ‘Abu Sayyaf’ subalit hindi sila ang mga bandido kundi ang mga ito ay ang grupong responsable sa panghoholdap sa mga pampasaherong bus.

Sangkot ang naturang grupo sa panghoholdap sa isang Rodcar aircon bus na may plakang TVR-921 kamakalawa ng gabi sa kahabaan ng Samlet St., Lourdes, Barangay Tugatog, Malabon.

Matapos ang panghoholdap agad na nagtungo ang mga biktima sa himpilan ng pulisya at iniulat ang pangyayari.

Mabilis namang nagsagawa ng operasyon ang pulisya kaya’t isa-isang nadakip ang grupo. (Ulat ni Gemma Amargo)

Show comments