3 tauhan ng mayor na papasok sa Veterans hospital tiklo sa baril

Tatlo katao na nagpakilalang tauhan umano ni Los Baños Mayor Francisco Lapiz ang inaresto ng mga tauhan ng pulisya matapos mahulihan ang mga ito ng baril sa kanilang sasakyan habang papasok sa Vete- rans Memorial Hospital kamakalawa ng gabi sa Quezon City.

Ang mga naaresto ay nakilalang sina Cesar Moldes, 41 anyos ng Barangay Baybayin, Los Baños, Laguna; Antonio Avelino, 31, driver ng no. 41 Villegas St., Bgy. Baybayin; at Hugo Ramos, 76 anyos ng Bgy. Mayunda, Los Baños.

Ayon sa ulat ni SPO1 Danilo Tan, may hawak ng kaso, bandang alas-6:45 kamakalawa ng gabi ng maaresto ang mga suspek dahil sa pag-iingat ng isang kalibre 38 at isang kalibre 45 baril sa loob ng kanilang Toyota Revo van na may plakang SFN-577 habang papasok sila sa Gate 1 ng Veterans hospital.

Nirikisa nina PO3 Joel Gandia at PO2 Roberto Añonuevo ng CPD-District Police Intelligence Unit na nakatalaga sa Gate 1 ng ospital kung saan ay naroroon sina Pangulong Estrada at anak nitong si San Juan Mayor Jinggoy Estrada, ang loob ng sasakyan ng mga suspects hanggang sa makita ng mga ito ang nasabing mga baril sa ilalim ng upuan.

Dinala ang mga suspek na nagpakilalang pawang tauhan ni Los Baños Mayor Lapiz sa CPD kung saan ay inimbestigahan ang mga ito hinggil sa dala nilang armas sa kanilang sasakyan habang papasok sa ospital.

Sinampahan ng kasong paglabag sa gun ban ang mga suspek pero iniutos naman ni QC Prosecutor Leopoldo Baraquia ang pagpapalaya sa mga ito habang nagsasagawa ng imbestigasyon laban sa kanila dahil sa kakulangan ng sapat na ebidensiya laban sa mga ito.

Sinasabing may dalang mga proper documents ang mga suspek kaugnay sa dala nitong armas at ang pakay lamang ng mga ito ay upang may dalawin sa ospital at hindi ang mag-amang Estrada na naka-confine dito. (Ulat ni Rudy Andal)

Show comments