Rizal: Pilipinas pagkaraan ng 100 taon
KAHAPON, ginunita natin ang deklarasyon ng kasarinlan ng Pilipinas noong Hunyo 12, 1898. Halos isang dekada bago ito mangyari, noong Setyembre 1889 hanggang Enero 1890, lumabas sa pahayagang ‘‘La Solidaridad’’ ang apat na serye ng lathalaing isinulat ng ating pambansang bayani na si Dr. Jose Rizal.
May pamagat na, ‘‘Ang Pilipinas Pagkaraan ng Isandaang Taon,’’ ang lathalaing ito’y sumasalamin sa adbokasiya at propesiya ni Rizal sa kinabukasan ng Pilipinas. Ito ang pag-uusapan natin dahil lubha pa ring napapanahon ang mga tinalakay ni Rizal kahit mahigit isandaang taon na ang lumipas.
May apat na mahalagang punto ang lathalaing ito na nagpapakita sa malawak at malalim na kaisipan ni Rizal na ang ika-165 kaarawan ay gugunitain natin sa Hunyo 19.
Una, ang pagmamalupit ng mga mananakop. Ayon kay Rizal, dahil sa kawalan ng edukasyon, nanatiling walang muwang at pakialam ang mga Pilipino kung kaya’t nagpatuloy ang kanilang pagdurusa at pagkaalipin.
Isandaang taon ang lumipas, wala na ang mga mananakop na Kastila, ngunit pinalitan naman ng mga mananakop na tiwaling pulitiko. May napanood akong isang satirical comedy. Isang Kongresista ang tinanong kung kailan posibleng magtapos ang paghahari ng kanilang pamilya sa pulitika. Ganito ang sagot ng Kongresista, ‘‘Kapag natuto nang mag-isip ang mga tao.’’ Tama siya, hangga’t ang nakararami nating botante ay hindi nag-iisip at madaling mapaniwala ng mga fake news sa social media, patuloy na maghahari ang mga makabagong mananakop--ang mga tiwaling pulitiko at opisyales ng gobyerno.
Ikalawa, ang pagkapukaw sa pambansang kamulatan. Ayon kay Rizal, kailangang mangibabaw sa mga Pilipino ang pagmamahal sa buong bansa at hindi lamang sa sari-sariling rehiyon.
Isandaang taon na ang lumipas, ngunit matindi pa rin ang ating rehiyonalismo. Karaniwan, hindi naman tayo nag-iisip bilang isang Pilipino mula sa iisang lahi. Karaniwan, nag-iisip tayo bilang isang Tagalog, Cebuano, Ilocano, Kapampangan, at iba pa. Dahil sa ganitong perspektibo, ang laging nangingibabaw sa atin ay ang pagkakahati-hati kaysa pagkakaisa. Sinabi ni Hesus na ang kahariang nagkakahati-hati ay tiyak na babagsak. Kamatayan ang kahahantungan natin kung hindi tayo magkakaisa.
Ikatlo, ang pagkawala ng sariling kakanyahan. Ayon kay Rizal, pikit-matang niyakap ng mga Pilipino ang banyagang kultura at kinalimutan ang sarili. Itinuring ang sariling wika, musika, tula, arkitektura, sining, pananaw sa buhay, at paraan ng pakikipagkapwa na mas mababa kumpara sa banyaga.
Isandaang taon ang lumipas, ngunit ang tinatawag nating «colonial mentality» ay tila lalo pang lumala. Ang kailangan natin ngayon ay «cultural revolution.» Buhayin ang katutubong kaugalian na nagtaas sa dangal ng ating mga ninuno na tulad ng damayan, bayanihan, palabra de honor at delicadeza.
Ikaapat, ang posibleng pagsiklab ng himagsikan. Nagbabala si Rizal na kung hindi babaguhin ng Espanya ang paraan ng pamamahala nito sa Pilipinas at magpapatuloy ang katiwalian at pagsasamantala, posibleng maghimagsik ang mga Pilipino. At nangyari nga ito noong 1896-1898 nang sumiklab ang Rebolusyong Pilipino sa pangunguna ng Katipunan ni Andres Bonifacio.
Isandaang taon ang lumipas, ngunit lalong lumalim ang ugat ng katiwalian at pagsasamantala. Maraming nagsasabi na kung walang radikal na magiging pagbabago ay maaaring sumiklab ang himagsikan. Huwag nawang mangyari! Ngunit may papel na dapat gampanan ang bawat isa sa atin upang huwag itulot ng Diyos na ito’y mangyari!
- Latest















