EDITORYAL – Impeachment vs Sara

NOONG nakaraang Disyembre 2025, sinabi ng Bagong Alyansang Makabayan (Bayan) na maghahain sila ng panibagong impeachment complaint laban kay Vice President Sara Duterte. Plano ng Bayan na ihain ang bagong impeachment complaint pagkatapos ng one-year ban. Magpa-file umano uli sila ng impeachment sa Pebrero 6 na hustong isang taon matapos ang isang taon na ban. Sinisiguro ng Bayan na matutuloy na ang nabitin na impeachment laban kay Sara. Kabilang sa mga ground sa panibagong impeachment complaint ay “betrayal of public trust” at hindi tamang paggastos ng confidential funds.
Pero hindi lamang pala Bayan ang balak magsampa ng panibagong impeachment complaint kay Sara kundi pati ang House of Representatives. Sabi ni House Committee on Public Accounts Chairman at Bicol Saro Partylist Rep. Terry Ridon kahit hindi pa nareresolba ng Supreme Court ang apela ng Kamara laban sa desisyong ideklarang unconstitutional ang impeachment noong 2025, sasampahan nila ng panibagong impeachment ang Vice President. Sabi ni Ridon, may sapat na ebidensya para umusad ang panibagong impeachment kay Sara.
Kabilang sa reklamo laban kay Sara ay ang tangka umanong assassination laban kay President Ferdinand Marcos Jr., First Lady Liza Marcos at Speaker Martin Romualdez; hindi wastong paggasta ng P612.5 milyong halaga ng confidential funds; bribery at corruption sa DepEd noong ito pa ang secretary; unexplained wealth na nakasaad sa Statement of Assets Liabilities and Net Worth (SALN); at pagkakasangkot sa extrajudicial killings sa Davao City noong siya pa ang mayor.
Ibinasura ng Supreme Court ang Article of Impeachment noong nakaraang taon. Ayon sa SC, “unconstitutional” ang articles of impeachment na inihain ng House of Representatives. “Null and void” ang Articles of Impeachment laban kay Sara dahil sa one-year bar rule. Nalabag umano ang karapatan nito. Tatlong impeachment complaint ang isinampa kay Sara noong Disyembre 2024 na lahat ay may kaugnayan sa diumano’y maling paggamit ng mga pondo. Apat na reklamo sa impeachment ang inendorso ng higit sa 1/3 ng mga mambabatas na kanilang sinumite sa Senado.
Nararapat matuloy ang impeachment para malaman ng taumbayan ang katotohanan sa mga inaakusa kay Sara. Kung walang magaganap na paglilitis, hindi magkakaroon ng kapanatagan sa bansa. Hindi ito maganda para mga dayuhang nais mag-invest o magnegosyo sa bansa. Dapat malaman ng taumbayan ang nasa likod ng mga misteryong pangalan—Mary Grace Piattos, Kokoy Villamin, Fernando Tempura, Carlos Miguel Oishi at iba pa.
Hayaang umusad ang impeachment para sa ikaliliwanag ng mga usapin.
- Latest




















