^

Bansa

DOJ sisilipin kung nagamit ang NYC para ikampanya ang Duterte Youth

James Relativo - Philstar.com
DOJ sisilipin kung nagamit ang NYC para ikampanya ang Duterte Youth
Nakatanggap din daw si presidential spokesperson Salvador Panelo ng reklamo kaugnay ng diumano'y pagpapadaloy ni Ronald Cardema ng NYC meeting kahit naghain na siya ng substitution.
Facebook/Ronald Cardema

MANILA, Philippines —Inatasan ng Malacañang ang Department of Justice ngayong Martes na imbestigahan si dating National Youth Commissioner Ronald Cardema kaugnay ng "kwestyonableng" paggamit sa kanyang tanggapan noon eleksyon.

Sa isang press briefing, kinumpirma ni presidential spokesperson Salvador Panelo sa mga reporter na isa mga sa nais nilang malaman ay kung nagamit ni Cardema ang NYC para i-kampanya ang Duterte Youth party-list:.

 "Yes. That's included (Oo. Kasama 'iyon.)," sabi niya.

Matatandaang naghain ng certificate of substitution si Cardema para maging nominado ng Duterte Youth party-list noong ika-12 ng Mayo—isang araw bago ang halalan—ayon sa Commission on Elections.

"Secretary Sal Panelo requested the DOJ this morning to look into this matter and evaluate if charges may be filed against Ronald Cardema. The DOJ will start by gathering the relevant facts," sabi ni Justice Secretary Menardo Guevarra sa panayam ng Philstar.com.

(Nag-request si Sec. Sal Panelo ngayong umaga na masilip ang usaping ito at aralin kung may mga kasong pwedeng isampa laban kay Ronald Cardema.  Magsisimula nang mangalap ng impormasyon ang DOJ.) 

Ang misis ni Cardema na si Ducielle Marie Suarez ang orihinal na first nominee ng Duterte Youth party-list, na umatras sa kandidatura kasama ng apat pa nilang nominado.

Kung maaaprubahan ang kanyang petisyon para sa substitution, magiging first nominee siya imbis na fifth nominee.

Nanguna sa NYC meeting kahit nagbitiw na?

Una raw nakatanggap ng reklamo si Panelo patungkol kay Cardema sa pamamagitan ng text message mula sa isang unregistered na numero.

"We've referred the case of Cardema to the DOJ because we've recieved reports that despite his filing of a certificate of substitution, he presided over a meeting [of the NYC] subsequent to the [filing of] certification," wika ng tagapagsalita ng pangulo.

(Isinangguni na namin ang kaso ni Cardema sa DOJ dahil nakakuha kami ng ulat na kahit nagsumite na siya ng certificate of substitution, pinangunahan pa rin daw niya ang isang pulong ng NYC kasunod ng kanyang paghahain ng certiification.)

Nangyari raw ang pagpupulong noong ika-15 ng Mayo kahit na inihain ang petisyon para sa substitution noong ika-12.

Matatandaang sinabi ni Panelo noong Linggo na itinuturing nilang pagre-reresign sa NYC ang kagustuhang maging mambabatas.

"[I]f he is already resigned, how can he be presiding a meeting?" dagdag ni Panelo.

(Kung nagbitiw na siya, paano siya nakapagpadaloy ng pulong?)

Hindi pa naman matiyak ng spokesperson kung anong kaso ang maaaring ihain kay Cardema oras na mapatunayan ang mga alegasyon.

Ipapaubaya na raw niya sa DOJ ang desisyon kung anong kaso ang isasampa sa 33-anyos na "youth leader" sa dahilang ayaw daw niyang pangunahan ang departamento.

"That's for the DOJ to determine what violation he has committed," dagdag niya.

(DOJ na ang bahalang magdesisyon kung anong paglabag ang ginawa niya.)

Siniguro naman ng Palasyo na hindi nila papaboran si Cardema kung may sala ito kahit na tagasuporta ni Pangulong Rodrigo Duterte.

"No allies, no friends, no supporters. If they have committed any wrong, they won't be tolerated by this government."

(Walang kakampi, walang kaibigan, walang taga-suporta. Kung may ginawa silang mali, hindi sila kukunsintihin ng gobyernong ito.)

Cardema: Kabataan party-list 'bitter lang'

Unang isiniwalat ni Kabataan party-list Rep. Sarah Elago ang "last minute substitution" ni Cardema sa asawa sa isang paskil sa social media, at inakusahan na nagamit ang NYC at rekurso ng gobyerno para mamulitika, bagay na labag sa batas.

Kaugnay nito, tinawag ni Cardema na "bitter" o naghihinanakit lang si Elago dahil mas marami raw nakuhang boto ang Duterte Youth sa Kabataan, na iniuugnay niya sa rebeldeng New People's Army.

"Duterte allies got more votes than opposition members because the nation is confident with President Rodrigo Duterte," sabi ni Cardema sa isang press release nitong Martes.

(Nakakuha ng mas maraming boto ang mga kaalyado ni Duterte kaysa sa oposisyon dahil kumpiyansa ang bansa kay president Rodrigo Duterte.)

'Youth' na edad 33

Minaliit din ni Cardema ang kritisismo ng Kaliwa, gaya ng League of Filipino Students at Youth Act Now Against Tyranny na "masyado nang matatanda" ang mga nominado ng Duterte Youth para maging kinatawan ng kabataan.

"Duterte Youth Party-list is registered in the Comelec to advocate for the Youth & Professionals sectors and under the latter category, there is no age limit," dagdag niya.

(Nakarehistro ang Duterte Youth party-list sa Comelec para i-advocate ang sektor ng kabataan at mga propesyunal at sa ilalim ng kategoryang ito, walang edad-edad.)

Sinabi niya ito kahit na nakasaad sa Section 9 ng Party-List System Act ang sumusunod:

"In case of a nominee of the youth sector, he must at least be twenty-five (25) but not more than thirty (30) years of age on the day of the election. Any youth sectoral representative who attains the age of thirty during his term shall be allowed to continue until the expiration of his term."

"We have filed all the proper documents for substitution on time and we are qualified to represent the Duterte Youth Party-List & the Filipino People who voted for us, inside the Philippine Congress," dagdag niya.

(Naghain kami ng mga tamang dokumento para sa substitution sa tamang panahon at kwalipikado kaming katawanin ang Duterte Youth Party-list at ang mamamayang Pilipino na bumoto sa amin.)

Hindi pa rin dinedesisyunan ng Comelec ang petisyon ni Cardema.

Samantala, muli namang ipinagpaliban ang pagdedeklara ng mga nanalong kinatawan para sa party-list, na unang iaanunsyong iproproklama ngayong araw.  — may ulat mula kay Kristine Joy Patag

vuukle comment

DEPARTMENT OF JUSTICE

DUTERTE YOUTH PARTY-LIST

RONALD CARDEMA

SALVADOR PANELO

Philstar
x
  • Latest
Latest
Latest
abtest
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

Get Updated:

Signup for the News Round now

FORGOT PASSWORD?
SIGN IN
or sign in with