Isip bata ang jowa

Dear Dr. Love,

Tawagin mo na lang akong Charlie, 30 anyos. Marami na po akong naging girlfriend pero hindi sila nagtatagal. Sa kaunting diprensyang makita ko ay nakikipag-break agad ako.

Kakaiba ang damdamin ko sa aking bagong girlfriend. Matindi ang love ko sa kanya at ipinasya ko na siya na ang babaeng aking pakakasalan.

Karaniwan lang ang kanyang ganda at may kaliitan sa taas na 5 feet. Tawagin mo na lang siyang Mimi at siya ay 20 years old na. Naging magkasintahan kami at habang nagtatagal,  napansin ko ang isang bagay. Para siyang bata sa mga mannerisms niya lalo na kung naglalambing sa akin.

Pati mga kaibigan ko ay napapansin ito, kinakantyawan ako na kumuha raw kasi ako ng “daisy.” Mukha kasing 18 years old lang si Mimi.

Sinasabihan ko siyang magpaka-mature pero ganyan daw talaga siya at hindi na siya mababago.

Kunsabagay, para lang siyang batang maliit na madalas na naglalambing sa’kin, lalo na kung gusto niyang lumabas kami para kumain. Pero still, I want her to behave like a mature woman. Ano gagawin ko?

Charlie

Dear Charlie,

Huwag kang mag-apura at hindi naman diprensya sa babae ang maglambing tulad ng isang bata.

Gaya nang sinabi mo, hindi naman ma-laking kapintasan ito para sa iyo.

Ang masama ay kapag nagtatampo siya ng walang rason na mistulang bata.

Pero kung nag-lalambing lang naman, palampasin mo na ‘yun. Ganyan talaga marahil kung ipakita niya ang kanyang pagmamahal.

Tiyak ko na kapag nagkaroon na kayo ng anak, magbabago rin siya at magpapaka-nanay sa inyong magiging anak.

Natitiyak ko na magbabago rin siya dahil walang nananatiling bata ang isip maliban na lang kung may pagka-abnormal.

Dr. Love

Show comments