Nadamay si Ninong sa kakaselos

Dear Dr. Love,

Ako po si Johnny. Hindi ko po tunay na pangalan. Nahihiya ako sa ninong namin sa kasal. Sa sobrang selos ko sa misis ko, pati siya nadamay.

Tamang duda kasi ako sa misis ko, dahil sa kapapanood ng mga videos sa fb. Marami kasing mga babae ang nagtataksil sa kanilang asawa.

Mahirap na, baka naiisahan na ako, hindi ko pa alam. Hindi ko alam na matindi na pala ang epekto sa akin ng mga pinanonood ko.

Kapag hindi naman ako nakainom, hindi ako nag-iisip ng kung anu-ano sa misis ko. Kaso kabaliktaran na kapag nakainom at malakas na ang amats ko, wala na akong sinisino.

Hayun nga, pati ang ninong namin sa kasal napagbuntungan ko ng selos.

Ang nakakahiya, siya na ang nagpainom sa amin ng tropa, siya pa ang napagbitawan ko ng salita at mura dahil sa selos ko sa misis ko.

Sobrang galit sa akin ni misis, dinamay ko pa ang ninong namin. Hindi ko tuloy alam kung paano ako hihingi ng paumanhin sa kanya.

Johnny

Dear Johnny,

Ngayong na-realized mo na ang hindi magandang epekto sa’yo nang kapapanood mo ng mga video sa fb, tantanan mo na.

Laging isaisip na iba ang pinanonood sa reyalidad ng buhay mo. Kaya kung hindi mo magawang paghiwalayin ‘yun, tigilan mo na ang pagtutok sa mga videos tungkol sa mga nagtataksil na misis sa kanilang mister.

Napapasok din kasi sa ating subconscious mind ang mga pinanonood natin, kaya nakakaapekto ito sa ating ugali.

Respeto na rin at tiwala sa asawa mo. Huwag mo siyang itulad sa ibang babae. Minsan, hindi natin alam ang tunay na kwento tungkol sa buhay nila.

Isa pa, iwas iwasan mo rin ang sobrang inom. Kung alam mong war freak ka kapag nakakainom eh, huwag ka na uminom ng alak para walang problema. At nang hindi nadadamay ang mga tao sa paligid mo, gaya ng ninong ninyo.

Sa kahit anong paraan, sikapin mo na humingi ng dispensa sa ninong ninyo. Mauunawaan ka naman nun, lalo na’t alam niyang lasing ka nang mangyari ‘yun.

Sana’y natutuhan mo ang mahalagang aral sa insidenteng ito. Kung may problema ka sa misis mo, buksan ang komunikasyon at pag-usapan. Kayo lang  lang ang makakalutas nun.

DR. LOVE

 

Show comments