Humanap ka ng may gusto sa’yo

Dear Dr. Love,

Mayroon akong nililigawan na gustong gusto ko. Tawagin mo na lang siyang Remedios. Mag-iisang taon ko na siyang nililigawan. Noong unang magka-kilala kami, mabait siya sa akin. Naging good friends kami at enjoy siya sa mga jokes ko.

Kaso, nang ligawan ko siya after two months, nagbago na ang lahat. Sabi niya, manatili na lang kaming magkaibigan. But I kept on courting her hanggang pinrangka na niya ako at sinabihang wala akong maaasahan sa kanya.

Sa kabila noon ay patuloy ko pa rin siyang sinuyo. Naniniwala ako na lahat ay makukuha kung ang tao ay magtitiyaga.

Hindi ko matanggap ang pamba-basted niya sa akin. Ramdam ko, sa katitiyaga ko sa panliligaw ay makukuha ko rin ang matamis niyang oo. Pero nang lumaon, ayaw na niyang makipagbiruan sa akin.

Nainis na yata sa akin si Remedios at kung dinadalaw ko siya ay sinasabi ng katulong na masakit ang ulo niya.

Sinubukan ko mag-text message sa kanya pero ang nangyari, binlak niya ako. Pati sa FaceBook ay in-unfriend niya ako. Sa pamamagitan ng common friend namin ay pinadadalhan ko siya ng love letter at mga imported chocolate candies.

Malungkot dahil lahat ng pinadadala ko ay isinasauli niya. Ano gagawin ko?

Raffy

Dear Raffy,

Tigilan mo na siya kung naiirita na siya sa iyo. Kahit pa persistent suitor ka, dapat alam mo kung kailan titigil ang pagpupumilit mo. Isipin mo ang kalagayan ng isang babaeng ayaw patahimikin ng manliligaw na hindi niya gusto.

Sayang ang friendship ninyo na nasira dahil sa kakulitan mo sa panliligaw. Humanap ka ng maliligawan na gusto ka rin. Hindi mo puwedeng pilitin ang ayaw sa iyo.

Ilang beses ka nang binasted kaya nakukulitan na siya sa iyo. Huwag kang maging mistulang stalker na walang tigil sa pagsubaybay sa bawat galaw niya. Itigil mo na ang pagdiskarte mo sa kanya na wala nang kahihinatnang maganda.

Dr. Love

Show comments