Matigas ang ulo ni Mister

Dear Dr. Love,

Ako po si Marizza. Hayan ang tigas ng ulo ng mister ko, ayaw niyang magpabakuna. Pati kami tuloy ng mga anak niya ay nadadamay.

Lagi ko na siyang sinasabihan na hindi pwedeng lagi na lang kaming magtatago sa bahay. Katwiran niya, lahat naman kami ay naka-online na.  Kaya wala kaming dapat na ikapangamba.

Ang kaso hindi ako makapamalengke dahil natatakot akong mahuli ng barangay o pulis, ‘di ako bakunado.

Kung inaakala ninyo na marami pa ang hindi nagpapabakuna, isa ang pamilya ko roon.

Mataas kasi ang prinsipyo ng mister ko. Malakas ang loob niya dahil may kapatid siyang sundalo. Eh, wala naman dito sa Manila ang kuya niya, nasa Mindanao. O paano niya kami maipagtatanggol?

Ilang beses na kami sinabihan ni chairman, pero hindi pa rin siya nakikinig. Nood kasi siya ng nood sa fb at youtube ng mga paliwanag kung bakit hindi dapat magpabakuna.

Maliwanag namang totoo ang covid at nakakahawa ito. Isa lang ang may sipon sa amin, ang bunso kong anak. Wala namang lagnat. Mabuti na lang, lahat kami ay hindi pa nagkakasakit.

Hindi matapos tapos ang pag-aalala ko. Lalo na ngayong hindi na pwede lumabas ang walang bakuna. Para kaming laging nakakulong na lang sa bahay.

Marizza

Dear Marizza,

Naku, dapat may makapagkumbinsi sa mister mo na kailangan talaga sa panahon nga-yon ang magpabakuna. Matindi ang banta ng mabilis na hawaan ng covid. Lalo na ngayon dahil sa omicron. Nadadamay ang mga bata.

Paano ang kanilang kalusugan? Kagaya n’yan na may sakit na ang bunso ninyo. Paano kung wala kayong proteksyon?

Delikado kung magmamatigas pa rin ang mister mo. Kung kaya ni chairman na mapaliwanagan siya ay mainam o kung sinumang maaari niyang pagkatiwalaan.

Hindi naman ito tungkol sa ayaw lang at gustong magpabakuna. Nakasalalay ang buhay nating lahat, kaya kung ayaw nating mapahamak o maging sanhi ng sakit ng iba ay magtulungan tayo at magkaisang labanan ng pandemyang ito.

DR. LOVE

 

 

 

Show comments