Dear Dr. Love,
Isang mapagpalang araw po sa inyo. Nawa’y sumainyo ang kapayapaan at walang hanggang pag-ibig ng Panginoong Diyos.
Isa po ako sa masugid na tagasubaybay ng inyong makabuluhang column para sa mga taong humihingi ng payo lalo na sa tulad kong walang nagmamahal, naghahanap ng karamay sa oras ng kalungkutan at pag-iisa.
Mula sa pagkabata hanggang sa ngayong malaki na ako hinahanap-hanap ko at ng aking puso ang pagmamahal ng babaeng nagtatangi at magmamalasakit sa akin.
Nagtataka po ako dahil ang hanap kong pagmamahal ay hindi ko matagpuan sa aking mga magulang at mga kapatid. At ang uri ng pagmamahal at kalingang ito ay hindi ko pa nararamdaman.
Sa pamamagitan po ng inyong malaganap na column nais kong matulungan ninyo ako na makatagpo ng mga kaibigan na makapagbibigay sa akin ng inspirasyon sa buhay. Tunay na mga kaibigan na makapagtuturo sa akin ng tamang landas ng buhay.
Sana po, mailathala ninyo ang liham kong ito at tatanawin kong malaking utang na loob kung may mabubuting pusong magbibigay pansin sa isang tulad kong bilanggo.
Ako po ay 28 taong gulang at kasalukuyang nag-aaral ng sining sa school of fine arts dito sa pambansang bilangguan.
Maraming salamat po at mabuhay kayo. Sana’y lumawig pa ang pitak ninyo para marami pa kayong matulungang nangungulilang tulad ko.
Very truly yours,
Ferdinand Moncada
School of Fine Arts
Dorm 233
MSC Camp Sampaguita
Muntinlupa City 1776
Dear Ferdinand,
Salamat sa liham mo at hangad ng pitak na ito na makatagpo ka ng babaeng mamahalin at magmamahal din sa iyo.
Naghahanap ka ng ibang uri ng pagmamahal na hindi mo pa kamo nararamdaman kahit na minamahal ka ng iyong mga magulang at kapatid. Iba talaga ang pagmamahal ng isang nobya at marahil, hindi ka pa nakakaramdam ng pag-ibig kaya hindi mo alam kung anong pagmamahal ang hinahanap-hanap mo.
Matatagpuan mo rin ang hanap mong pagmamahal. Tama ang hakbang mo na maghanap ng maraming kaibigan na makakapalitan mo ng mga kuro-kuro at karanasan sa buhay. Kalimitan, mula sa pakikipagkaibigan nagsisimula ang pagkakadama ng ibang uri ng pagmamahal na iba sa pagmamahal na nakukuha mo mula sa miyembro ng pamilya.
Ipagpatuloy mo ang iyong pag-aaral diyan sa loob para sa pagpapaunlad ng iyong talino sa sining.
Sikapin mong magpakabuti para maaga kang makalaya sa piitan.
Dr. Love
(Para sa mga nagnanais na lumiham kay Dr. Love, ipadala ito sa DR. LOVE c/o NGAYON Libangan Section 202 Roberto S. Oca corner Railroad Sts. Port Area, Manila. Maaari rin mag-email sa LibNGAYON@philstar.net.ph.)