Dear Dr. Love,
Isa po akong dating maid ng isang may kayang pamilya. Mabuti ang trato sa akin ng mag-asawa kong amo. Laging naiiwan sa bahay ang amo kong lalaki na galing sa Saudi. Pumapasok kasi ang amo kong babae sa isang government agency at kapwa may trabaho na rin ang kanilang dalawang anak na dalaga.
Sa limang taong paninilbihan, naiinggit na ako sa mag-anak. Gusto ko rin magkaroon ng maginhawang buhay. At ang naging paraan ko dito ay ang pang-aakit sa tigang kong amo na lalaki.
Pinasok ko siya sa kanyang kuwarto at natupad ang gusto ko. May nangyari sa amin at nagkaroon kami ng lihim na relasyon. Pero nabunyag din ito nang magdalan-tao ako.
Pinalayas ako ng amo kong babae maging ang kanyang asawa. Balik ako sa aming probinsiya kung saan sumunod din ang amo kong lalaki. Dahil tinakot ko na guguluhin ko ang kanilang pamilya kapag pinabayaan niya ako.
Pinagawa niya ang aming bahay sa probinsiya at ginastusan ang aking panganganak. Tiwala na ako na paninindigan nya ako, kaya pinayagan ko siyang lumuwas sa dahilang isasaayos niya daw ang annulment nila ng kanyang asawa. Pero hindi na siya nagpakita uli.
Sinubukan kong puntahan ang kanilang bahay pero iba na ang nakatira. Ipinagbenta na pala nila saka lumipat sa ibang lugar.
Akala ko sinuwerte na ako sa may edad na mapera, talunan pala ang kahihinatnan ko.
Maraming salamat po sa pagbibigay daan sa liham kong ito at sana kapulutan ito ng aral ng ibang kababaihan na naghahangad na lumamang sa iba.
Veronica
Dear Veronica,
Naniniwala ka ba sa karma? Nakarma ka na dahil sa kabila ng mabuting trato ng iyong amo, inambisyon mo pang agawin ang asawa ng may asawa. Mistula kang isang ahas na nanuklaw makaraang pakanin sa palad.
Aral din ito sa kalalakihan na hindi marunong pumigil sa silakbo ng dugo mairaos ang makamundong pagnanasa.
Baguhin mo na ang buhay mo at sikaping maitaguyod ang iyong anak. Sikapin mo na lang na maihingi ng suporta ang anak mo kung mayroon kang pagkakataong matunton ang ama ng anak mo.
Pagunita uli, huwag mangwawasak ng maligayang pamilya.
Dr. Love
(Para sa mga nagnanais na lumiham kay Dr. Love, ipadala ito sa DR. LOVE c/o NGAYON Libangan Section 202 Roberto S. Oca corner Railroad Sts. Port Area, Manila. Maaari rin mag-email sa LibNGAYON@philstar.net.ph.)