Pinsan ko ang mahal ko

Dear Dr. Love,

Kumusta po kayo at sana palagi kayong nasa mabuting kalagayan.

Kabilang po ako sa mga tagasubaybay ng inyong column kung kaya minabuti kong sa inyo ilapit ang problema ko sa puso.

Tawagin po ninyo ako sa pangalang Thata ng Davao City. Ang problema ko po ay tungkol sa aking pinsan na naging boyfriend ko.

Si Jay ay 18 years-old at ako naman ay 22 years-old.

Pinsang-buo ko po si Jay dahil ang ama ko at kanyang ina ay magkapatid. Ang ina ko naman at kanyang ama ay first cousin.

Noong una po, noong maliliit pa kami, iisa lang lugar ang aming kinaroroonan. Pero nang mamatay ang aking ina, nagpasya ang aking ama na lumipat ng lugar at after 15 years, saka lang ako bumalik sa dating lugar na tinubuan ko at sa bahay nina Jay ako natira ng apat na buwan.

Sa unang pagkikita pa lang namin ni Jay ay mabait na siya sa akin. Ipinakilala pa nga niya sa akin ang kanyang girlfriend. Masaya naman ako para sa kanya at alam kong mahal siya ng kanyang nobya.

Hanggang sa nabalitaan ko na lang sa isang pinsan naming babae na nagkakalabuan na si Jay at ang kanyang gf dahil sa pagbabago ni Jay. Tuwing galing siya sa trabaho, naglalagi na lang siya sa bahay at paminsan-minsan ay nakikipagkuwentuhan sa akin.

Minsan, natanong ko siya kung bakit nagkakalabuan na sila ng kanyang nobya at ang sagot niya sa akin, ako raw ang dahilan.

Sinabi niyang mahal niya ako kung kaya’t nagalit ako sa kanya. Pinayuhan ko siyang hindi niya ako dapat na ligawan dahil magpinsan kami. Subalit ayaw niya akong pakinggan. Ipinaglaban pa rin niya ang kanyang pag-ibig.

Wala akong magawa kaya’t minabuti kong umuwi na sa amin para walang masaktan.

Kahit na umuwi na ako sa aming lugar, palagi siyang tumatawag sa teleono at kundi man ay sumusulat siya sa akin. Hindi ko sinagot ang mga sulat niya sa pangambang mabasa ito ng mga pinsan ko.

Hanggang sa pumunta siya sa aming lugar na labis kong pinangambahang makarating sa kaalaman ng aming mga magulang.

Sa totoo lang, naaawa ako sa kanya. Higit sa lahat, alam kong mahal ko rin siya. Hindi ko po alam ang gagawin ko kaya’t heto ako, humihingi ng inyong payo.

Minsan, niyaya niya akong magtanan pero hindi ako pumayag dahil alam kong bata pa siya at hindi niya alam ang kanyang ginagawa.

Hanggang dito na lang po at maghihintay ako ng payo mo.

Thata ng Davao City


Dear Thata,


Thank you for your letter at sana, matulungan nga kita sa kasalukuyan mong problema.

Masyadong malapit ang pagiging magpinsan ninyo at isa pa, mas bata siya kaysa sa iyo.

Bilang nakatatanda niyang pinsan, kailangang ikaw ang gumawa ng desisyon para sa inyong dalawa. Magkalas na kayo ng relasyon.

Masakit man ito para sa iyo at sa kanya, ito lang ang tanging solusyon para maiwasan na ang paghaba pa ng panahon ng pagtitinginan ninyo na baka mauwu pa sa kapusukan.

Iwasan mo na siya. Ikaw na ang gumawa ng unang hakbang para huminto na siya sa agresibo niyang pagsunod pa sa iyo sa kasalukuyan mong kinaroroonan.

Itinatanong mo kung bakit palagi siyang umiiyak sa tuwing dinadalaw ka niya? Marahil, alam din niya ang tunay na sitwasyon na hindi madali para sa inyong ipagpatuloy ang ugnayan ninyo. O baka nakarating na rin sa kaalaman ng kanyang mga magulang ang relasyon ninyo ni Jay.

Bagaman mayroon ding mga sitwasyong tulad ninyo ang nagkatuluyan, mayroong mga epektong pangkalusugan na lumabas sa kanilang mga naging bunga na pinagsisihan nilang mag-asawa.

Ipaliwanag mong mabuti sa kanya ang mga bagay-bagay na hindi pa niya naiisip ngayon dahil lubhang masulong ang kanyang pag-iisip at mga desisyon.

Mas makakatulong sa problema mo ang iyong pamilya at mapapayuhan pa si Jay na mag-isip-isip pa at ibaling na sa iba ang kanyang atensyon.

Masakit nga ito sa una pero maghiwalay na kayo habang maaga.

Dr. Love

Show comments