6 milyong PWD ID, peke!

Benta han online talamak - Tulfo
MANILA, Philippines — Ibinunyag ni Sen. Raffy Tulfo ang talamak na bentahan at paggamit ng mga pekeng Persons with Disability (PWD) ID sa online platforms, na nagdudulot umano ng bilyun-bilyong pagkalugi sa mga negosyo at nagpapahirap sa mga lehitimong benepisyaryo ng diskwento at iba pang pribilehiyo.
Sa pagdinig ng Senado ukol sa panukalang 2027 budget ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) nitong Miyerkules, Oktubre 21, sinabi ni Tulfo na batay sa tala ng Department of Justice, tinatayang walong milyong PWD ID ang nasa sirkulasyon sa bansa, ngunit dalawang milyon lamang ang lehitimo at rehistrado sa National Council on Disability Affairs (NCDA).
Dahil sa pagdami ng umano’y pekeng ID, sinabi ng senador na umaabot sa P166 bilyon ang nalulugi sa mga negosyo, lalo na sa sektor ng restoran na obligado sa pagbibigay ng 20 porsiyentong diskwento sa mga PWD.
“Ang pinakakawawa dito ay ang mga lehitimong may kapansanan na dapat nakikinabang sa diskwentong 20% at ang mga maliliit na negosyo na pumapasan sa dagdag na gastos,” dagdag niya.
Binanggit din niya na may mga pagkakataong may hawak na PWD ID ang mga indibidwal na hindi naman kwalipikado bilang persons with disability.
Samantala, ibinahagi ni David Sison, presidente ng Restaurant Owners of the Philippines (RESTOPH), na may mga kaso umanong buong pamilya, kabilang ang kasambahay, ay may hawak na PWD ID.
Sa isinagawang pagsusuri ng RESTOPH, NCDA, at Department of Health (DOH), lumabas na madali umanong makabili ng PWD ID online. Sinabi ni Tulfo na personal din nilang naberipika ang bentahan nito sa mga online platform gaya ng Facebook Marketplace at Carousell.
Aniya, isa rin sa mga suliranin ang kawalan ng iisang sistema sa pagberipika ng mga PWD ID, dahil magkakaiba ang disenyo, format, at database ng mga ito sa mahigit 2,500 lokal na pamahalaang nag-iisyu ng naturang pagkakakilanlan.
Dahil dito, nanawagan si Tulfo na repasuhin ang proseso at mga rekisito sa pag-isyu ng PWD ID upang maiwasan ang pang-aabuso at matiyak na ang mga benepisyo ay mapupunta lamang sa mga tunay na kwalipikadong tumanggap nito.
“Huwag nating gamitin sa kalokohan ang kalagayan ng ating mga kababayang may kapansanan,” ani Tulfo.
- Latest



















