Chinese envoy ipinatawag ng DFA
MANILA, Philippines — Ipinatawag ni Department of Foreign Affairs (DFA) Sec. Tess Lazaro si Chinese Ambassador to the Philippines Jing Quan para ipahayag ang pagkabahala at pagtutol ng Pilipinas sa “provocative” at “unacceptable” statements ng ambassador tungkol sa paggamit ng puwersa.
Hindi aniya nakakatulong ang ganitong mga pananalita sa pagpapalalim ng pag-unawa sa pagitan ng Pliipinas at China.
Sa halip ay lalo nitong pinaigting ang sensitibong ugnayang diplomatiko ng dalawang bansa at pinahihina ang mga pagsisikap na palakasin ang pagkakaunawaan at kooperasyon.
Giit pa ni Lazaro na hindi nararapat para sa isang dayuhang embahada na hayagang punahin o tuyain ang mga opisyal at mambabatas ng Pilipinas na gumaganap sa kanilang mga tungkulin alinsunod sa kanilang mandato.
Bilang isang demokratikong bansa, pinahahalagahan ng Pilipinas ang kalayaan sa pagpapahayag at ang pagkakaroon ng iba’t ibang pananaw.
Hindi aniya tatanggapin ng bansa ang anumang pagtatangka ng isang dayuhang kinatawan na takutin o sindakin ang mga opisyal at indibidwal na malayang nagpapahayag ng kanilang mga saloobin.
Ayon pa sa kalihim, mas angkop na talakayin ang mga sensitibong usapin sa pamamagitan ng mga itinatag na diplomatikong pamamaraan at mekanismo ng bilateral na ugnayan upang mapanatili ang pagkakataon para sa diyalogo at maayos na pag-uusap.
Samantala, ipinauubaya ng Malacañang sa DFA kung maghahain ito ng persona non grata laban kay Jing Quan.
- Latest
















