P40.8 milyon shabu nasabat ng PDEA, PNP, PCG

MANILA, Philippines — Nasamsam ng mga tauhan ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA), Philippine National Police (PNP) at Philippine Coast Guard (PCG) ang nasa anim na kilo ng shabu na nagkakahalaga ng P40.8 milyon sa isang buy-bust operation sa Sitio Dulong Bangiad, Barangay San Juan, Taytay, Rizal, madaling-araw nitong Setyembre 14, 2026.
Tatlong suspek ang naaresto na kinilalang sina alyas “Diogen”, 32; “Muhammad”, 31; at “Eddienel”, 43, na pawang residente ng lugar. Nakatakas naman ang ikaapat na suspek na si alyas “Abdila” at patuloy na pinaghahanap ng mga awtoridad.
Bukod sa droga, nakumpiska rin ang M1 carbine, M16 rifle, apat na .45 caliber pistol, mga magazine at bala, digital weighing scale, cellphone at buy-bust money. Pinangunahan ang operasyon ng PDEA Region IV-A, kasama ang PCG Rizal at PNP Regional Intelligence Unit 4A-PIT.
Ayon kay PDEA Director General Undersecretary Isagani R. Nerez, mahalaga ang mga pag-aresto ngunit hindi rito nagtatapos ang imbestigasyon dahil tututukan din ng mga awtoridad ang mga nasa likod ng operasyon at ang buong network ng sindikato.
Nahaharap ang mga suspek sa paglabag sa Section 5 (Sale of Dangerous Drugs) kaugnay ng Section 26 (Conspiracy to Sell), Article II ng Republic Act 9165 o Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002.
- Latest























