Eala, makabagong pambansang bayani
SA isa sa ipinanalong laban ni Alex Eala sa isang international tennis tournament, isinigaw ng emcee ang sumusunod na kataga, ‘‘Alex Eala, the national hero of the Philippines.’’ Nangiti ako at nasabi ko sa aking sarili, ‘‘Aba, mayroon na pala kaming bagong pambansang bayani.’’
Ngiti lang sa una, pero napag-isip-isip ko, tama ang sinabi ng emcee. Sa harap ng pagbagsak ng ating dangal bilang isang lahi dahil sa pagkakasangkot ng ating mga pambansang lider sa malawakang katiwalian, si Eala ang nagbabangon ng ating dangal at imahen sa buong daigdig.
Oo nga, si Eala ang tumatayong makabagong pambansang bayani ng Pilipinas, bagamat patuloy tayong kumukuha ng inspirasyon at gabay sa mga bayani ng ating kasaysayan na tulad nina Jose Rizal at Andres Bonifacio.
Anu-ano ba ang naiaambag ng pambansang bayani sa katatagan at kabutihan ng isang bansa?
Una, ang pambansang bayani ay simbolo ng pagkakaisa at pagmamalaki ng isang bansa; kumakatawan sa kolektibong magagandang katangian, pinahahalagahan, at pangarap ng isang bansa. Saan man may laban si Eala, sinusundan siya ng laksa-laksang mga Pilipino habang buong pagmamalaking hawak-hawak ang maliliit na bandila ng Pilipinas na kanilang iwinawagayway sa tuwing makakapuntos si Eala.
Kapag may laban si Eala, parang ang buong Pilipinas ang nakikipaglaban. Kaya naman kapag si Eala’y nanalo, ang una niyang pinasasalamatan, gamit ang pambansang wika, ay ang kanyang mga kababayan.
Ikalawa, ang pambansang bayani ay modelo ng tapang, lakas ng loob, determinasyon, pagtitiwala sa sarili, integridad, at pagsasakripisyo. Pinatunayan ni Eala na kaya ng isang Pilipino na makipagsabayan sa pinakamagagaling sa buong mundo.
Nang talunin ni Eala ang defending champion ng Wimbledon na si Iga Swiatek na ikatlong pinakamagaling sa buong daigdig, ginamit ni Eala ang tinatawag na ‘‘horizontal forehand’’ upang maibalik kay Swiatek ang bolang halos sumayad na sa lupa. Sa ating salita, ‘‘ginapang niya ang bola para manalo.’’ Ipinakita rito ni Eala ang isa sa katangiang pinag-uugatan ng ating ‘‘resiliency’’ bilang isang bansa.
Dahil tayo’y mahirap na bansa, karaniwan ay nagsisimula tayo sa ibaba, kung kaya’t iginagapang natin ang pag-aaral, pagtatayo ng bahay, paghahanap-buhay, pagpapamilya, at iba pa. Kaya nating gumapang mula sa hirap, kabiguan, at pagkatalo para maabot ang tagumpay. Hindi tayo basta sumusuko na tulad ng karanasan ng marami nating mga kababayang OFWs.
Ikatlo, ang pambansang bayani ay nagsusulong ng pagkamakabayan, pagmamahal at pagpapahalaga sa sariling pagkakakilanlan, kultura, at tradisyon. Ipinagmamalaki ni Eala ang kanyang pagiging Pilipino, nagsasalita sa ating sariling wika, at nagpapakita ng magagandang katangian ng mga Pilipino na tulad ng pagiging magalang at mababang-loob.
Sa kanyang visor ay may ganitong nakasulat, ?apag lumago, hindi na hihinto.? Pinag-usapan ‘yon at sinipi ng mga bantog na tennis players at maging ng foreign media. Noon namang nakaraang taon, nagsuot si Eala ng hair-tie na may nakaburdang sampagita, ang pambansang bulaklak ng Pilipinas. Ang lahat ng ito’y simbolo ng pagiging Pilipino ni Eala na lubos niyang ipinagmamalaki.
Habang tayo’y pinagwawatak-watak ng ating mga pambansang lider, si Eala naman, pinagkakaisa tayo. Habang kahihiyan ang dulot ng ating mga pambasang lider dahil sa pagkakasangkot sa mga anomalya, si Eala naman, ang dala-dala’y kapurihan at karangalan para sa buong Pilipinas.
Mabuhay ka, Eala, ang makabagong pambansang bayani ng Pilipinas!
- Latest
















