^

Punto Mo

Bullying sa paaralan: Higit pa sa asaran

(AGHAM AT TEKNOLOHIYA) PANDAYAN - Ramon M. Bernardo - Pang-masa

Walang eksaktong katumbas sa Filipino ang salitang “bullying.” Hango ito sa salitang Ingles na “bully,” na sa sinaunang gamit ay nangangahulugang kaibigan o minamahal ngunit kalaunan ay naging tawag sa taong mapang-api, mapanghamak at nananakit ng kapwa.

Bagama’t madalas na naririnig ang terminong bullying sa mga paaralan, hindi naman ito karaniwang ginagamit sa pang-araw-araw na usapan. Mas madalas sabihin ng mga estudyante na sila ay inaasar, nilalait, tinatakot, pinagtatawanan o sinasaktan ng kanilang mga kapwa mag-aaral.

Sa pangkalahatan, ang bullying ay tumutukoy sa paulit-ulit na pananakit, pananakot, panghihiya o anumang kilos na nagdudulot ng pisikal, emosyonal o sikolohikal na pinsala sa ibang tao.

Maraming anyo ang bullying. Maaari itong panununtok, pagsipa, pananabunot, panunulak at pagsira ng gamit; pang-iinsulto, panlalait, panunukso at pagbabanta. Mayroon ding social o relational bullying na kinabibilangan ng paninira ng reputasyon, pagtsitsismis, ipinupuwera sa grupo at iba pang paraan ng pagpapahiya.

Sa panahon ng internet at social media, mabilis ding lumaganap ang cyberbullying. Kabilang dito ang pagpapadala ng masasakit o mapanirang mensahe, pagpo-post ng nakakahiya o pekeng impormasyon, pagpapakalat ng larawan o video nang walang pahintulot, at paggamit ng social media upang pagtawanan o pagtulungan ang isang tao.

Ayon sa isang ulat ng United Nations Educational, Scientific and Cultural Organization o UNESCO, isa sa bawat tatlong mag-aaral sa buong mundo ang nakararanas ng bullying sa paaralan

Kabilang ang Pilipinas sa mga bansang nakapagtala ng mataas na bilang ng mga kabataang nakaranas ng cyberbullying. Sa isang Global Kids Online study, lumitaw na 29 porsiyento ng mga batang Pilipino na edad siyam hanggang 17 ang nagsabing nakaranas sila ng cyberbullying. Ipinakita rin ng pag-aaral na maraming kabataan ang nakatatanggap ng mga mensaheng may kabastusan, pagbabanta o hindi angkop na nilalaman sa internet.

Mas madalas makaranas ng pisikal na bullying ang mga batang lalaki samantalang mas karaniwan naman sa mga batang babae ang psychological o emotional bullying.

Hindi dapat maliitin ang epekto ng bullying. Bukod sa pagkatakot pumasok sa paaralan, maaari itong magdulot ng mababang kumpiyansa sa sarili, pagkabalisa, depresyon, hirap sa pag-aaral at ­paglayo sa ibang tao. May mga biktima ng bullying na sinasaktan na ang kanyang sarili o ang ibang tao.

Ang bullying ay seryosong suliraning maaaring mag-iwan ng pangmatagalang sugat sa isipan ng isang bata. Ang pinakamabisang sandata laban dito ay ang maagang pag-uulat, tamang paggabay at paglikha ng kapaligirang ligtas at may paggalang sa bawat mag-aaral.

•••••

Email – [email protected]

 

 

BULLYING

  • Latest
Latest
Latest
abtest
Recommended
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

Get Updated:

Signup for the News Round now

FORGOT PASSWORD?
SIGN IN
or sign in with