MANILA, Philippines — Siniguro ni Senate President Chiz Escudero na paiiralin sa Senado ang “conscience vote” pagdating sa pagboto sa panukalang diborsyo sa Pilipinas.
Ayon kay Escudero, ang magiging posisyon ng Senado sa divorce bill ay conscience at personal vote at ibabatay sa kung ano ang kanya-kanyang paniniwala at relihiyon ng bawat senador.
Wala rin aniya siyang balak na diinan o diktahan ang mga senador para paboran o tutulan ang panukala.
Subalit kung si Escudero ang tatanungin, hindi diborsyo kundi mas gusto niyang palawakin at gawing abot-kaya at accessible ang annulment sa ilalim ng family code.
Pinuna naman ng Senate President ang boto sa inaprubahang divorce bill sa Kamara na noong una ay 126 ang pabor, 109 ang tutol at 20 ang abstain,subalit kinalaunan ay itinama na ang bilang sa 131 ang pabor at pareho pa rin ang numero ng tutol at abstain.
Subalit maaari naman anya itong gawing basehan ng mga anti-divorce na kongresista para kwestyunin ang pagkakapasa ng naturang panukala.