MANILA, Philippines — Hindi si Bamban, Tarlac Mayor Alice Guo kundi ang mga nag-aakusa sa kanya ang dapat magpatunay na hindi siya Pilipino.
Ito ang ipinaalala ni Senate President Francis ‘Chiz’ Escudero na nagsabing sa ngayon ay mananatili ang presumption na Pilipino ang alkalde batay sa mga dokumentong naiprisinta at mga testimonyang kanyang naibigay sa Senate Committee on Women, Children, Family Relations and Gender Equality.
“Oo may rason para mag-alanganin tayo pero ang presumption ay nananatilli pa rin. Siya ay nakatakbo, registered voter, may passport siya na Pilipino siya. Kaya nasa nagsasabi na hindi para patunayan ‘yun,” pahayag ni Escudero.
Kasabay nito, ipinaliwanag ni Escudero na ang maaaring maghain ng petisyon laban sa citizenship ni Guo ay ang solicitor general.
“Ang puwedeng magkuwestiyon ay ang Solgen lang. Walang kapangyarihan ang Comelec na i-disqualify siya,” diin ni Escudero.
Inihalimbawa pa ni Escudero ang naging kaso ni Sen. Grace Poe na hindi kilala ang tunay na mga magulang at tanging adopted parents ang lumutang kaya itinuring ito ng Korte Suprema na foundling.
“There is basic principle in law na he who alleges must prove the same,” paalala ni Escudero.
Sa ngayon, aniya, ay nasa Solgen na ang bola para kanselahin ang birth certificate ni Guo at tuluyang mabawi ang kanyang citizenship.