MANILA, Philippines — Hiniling ni Senator Christopher “Bong” Go sa Department of Health na palawakin ang healthcare coverage nito at isama ang serbisyo sa ngipin.
Sa pagdinig ng Senate health committee na pinamumunuan ni Sen. Go, sinabi niya na 7 sa 10 Pilipino ang dumaranas ng mga problema sa ngipin.
Sa kabila nito, nananatiling hirap makakuha ng dental care service, lalo ang mahihirap kahit may sapat na pondong inilaan para sa programang Medical Assistance for Indigent Patient (MAIP) na pinangangasiwaan ng DOH.
Ang MAIP ay isang programa na idinisenyo upang magbigay ng tulong pinansyal sa mga pasyenteng hindi kayang bayaran ang mga kinakailangang medikal na paggamot.
Sa isang pagbisita niya sa Cebu, ikinuwento ng senador na may lumapit sa kanya para sa dental care. Nang i-refer sa DOH, nalungkot ang pasyente nang sabihin sa kanya na ang pagbibigay ng pustiso ay hindi kasama sa government medical assistance programs sa ilalim ng kasalukuyang regulasyon.
Binigyang-diin ni Go na maraming mahihirap na Pilipino ang hindi makabayad para sa mga serbisyo sa ngipin, at ang kawalan ng access na ito ay lubhang nakakaapekto sa kalidad ng kanilang buhay.
Kinuwestiyon niya kung bakit hindi maaaring isama ang komprehensibong dental care, kabilang ang pagbibigay ng mga pustiso, bilang bahagi ng mga serbisyong medikal na maaaring saklawin ng tulong medikal mula sa gobyerno.
Nanawagan ang senador na baguhin ang mga regulasyon at iminungkahi niya na ang abot-kayang pustiso ay dapat ibigay sa mga nangangailangan dahil may sapat na halaga ng badyet na inilaan ngayong taon.