^

Bansa

Multa sa kasong libel isinulong sa Senado

Malou Escudero - Pilipino Star Ngayon

Imbes kulong…

MANILA, Philippines — Itinutulak ni Senador Jinggoy Estrada ang pagpataw ng P5,000 hanggang P30,000 multa para sa mga mamamahayag, kumpanya ng media o sinumang mapatutunayan na nagkasala sa kasong libelo.

Ayon kay Estrada sa kanyang inihain na Senate Bill No. 2521, mas makatarungan na pagbayarin na lamang ng multa ang sinumang mahahatulan ng korte na nagkasala sa kasong libelo kumpara sa pagpapakulong sa mga ito.

Ang libel ay itinuturing na krimen sa ilalim ng Article 353 ng Revised Penal Code (RPC). Ito ay tumutukoy sa publiko at malisyosong imputasyon ng isang krimen, bisyo, o depekto, totoo man o haka-haka, na may potensyal na makapinsala sa reputasyon ng isang tao, o masira ang alaala ng isang namatay na indibidwal.

Iminumungkahi ni Estrada na imbes na ipakulong, na maaaring tumagal mula sa anim na buwan hanggang sa anim na taon, patawan na lamang ng multang P10,000 hanggang P30,000 ang sinumang mahahatulan na nagkasala sa libelo na ginawa sa pamamagitan ng pagsulat, paglilimbag, radyo, cinematographic exhibition, o anumang katulad na paraan.

Itinutulak din ni Estrada ang P5,000 hanggang P15,000 multa para sa sinumang mapatutunayan na nagbanta na maglabas ng malisyosong balita o pahayag tungkol sa isang indibidwal o sa kanyang mga magulang, asawa, anak, o iba pang miyembro ng pamilya.

Ang nasabing multa, ayon pa kay Estrada, ay dapat ding ipataw sa sinumang nag-aalok na pigilan ang paglalathala ng isang libelous na pahayag o artikulo kapalit ng pera.

Nais din ng mambabatas na patawan na lamang ng kaparehang multa na P5,000 hanggang P15,000 ang sinumang reporter, editor, o manager ng isang pahayagan o magasin na maglalathala ng mga pribadong impormasyon ng isang tao na nakakasakit sa karangalan, kabutihan, at reputasyon nito kahit na ang naturang publikasyon ay ginawa sa ilalim ng pagkukunwari na ito ay kinakailangan sa pagsasalaysay ng anumang judicial o administratibong paglilitis kung saan ang mga naturang katotohanan ay nabanggit.

vuukle comment

JINGGOY ESTRADA

Philstar
x
  • Latest
Latest
Latest
abtest
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

Get Updated:

Signup for the News Round now

FORGOT PASSWORD?
SIGN IN
or sign in with