Apat na ‘outstanding citizens’ ng Lubao pinarangalan ng Cong Dadong awards

CLARK FREEPORT, Philippines — Apat na mamamayan ng bayan ng Lubao ang pinarangalan kamakailan ng Outstanding Lubenians Award sa ika-6 na President Diosdado Macapagal “Cong Dadong” Awards sa Royce Hotel and Casino.

Pinangunahan ni Lu­bao Mayor Esmeralda Pineda ang pamamahagi ng mga plake at trophy sa mga mamamayan na naging matagumpay sa larangan ng edukasyon, agrikultura, at kultura at sining.

Kabilang sa mga awardee sina: Alejandro S. Pangan (Agriculture), Marina M. Gamido (Education), at Rodrigo D. Torres at Sergio Y. Carreon (Special Awardees for Culture and the Arts).

Kinilala si Pangan sa kaniyang aktibong pakikilahok sa mga organi­sasyon ng magsasaka at mangingisda. Dati siyang barangay kagawad na ipinaglaban ang karaingan ng mga magsasaka.

Si Gamido naman ang tanging babaeng awardee ngayong taon dahil sa natatanging mga nagawa sa kaniyang karera sa akademya. Nagmula siya sa mahirap na pamilya na nagsikap mag-aral bilang working student at pag-aralin din ang mga kapatid.

Sina Torres at Carreon naman ay magkatuwang sa paglikha ng “Imno ning Lubao”, ang opisyal na himno ng Munisipalidad ng Lubao. Kinompos nila ang himno noon pang 2002.

Ang Cong Dadong awards ay parte ng taunang Sampaguita Festival na naantala sa loob ng tatlong taon dahil sa pandemya.

Show comments