20 ‘CPP-linked’ websites pinapa-block ng NTC
MANILA, Philippines — Kasunod ng kahilingan ni National Security Adviser Hermogenes Esperon Jr., inatasan ng National Telecommunications Commission (NTC) ang ilang internet service providers (ISPs) na iblock ang 20 websites na may kaugnayan “communist-terrorists”.
Kabilang sa mga websites ang NDFP at NDF na direktang may ugnayan kay Jose Maria Sison, Save our Schools Network, UMA Pilipinas, Rural Missionaries of the Philippines, Pamalakaya Pilipinas, independent news organizations na Bulatlat at Pinoy Weekly.
“With reference to the Letter dated June 6, 2022 by the National Security Council, you are hereby directed to effect the immediate blocking of the reported websites found to be affiliated to and are supporting terrorist and terrorist organizations,” nakasaad sa liham ni NTC Commissioner Gamaliel Cordoba sa ISPs.
Lumilitaw na hiniling ni Esperon ang pagharang sa mga nasabing websites sa paniniwalang sinusuportahan ng mga ito ang mga terorista at terrorist organizations tulad ng Communist Party of the Philippines, New People’s Army at National Democratic Front.
Ayon kay Esperon, ginagamit ng mga ito ang online platform para siraan ang pamahalaan, maglabas ng kanilang propaganda, pagrerecruit ng bagong miyembro at makapagsolicit ng pondo.
Subalit ang kahilingan ni Esperon ay kinondena ng Bulatlat kung saan tinawag na paglabag sa karapatang maglathala, at sa karapatan ng publiko sa malayang pamamahayag.
Iniulat ni Bulatlat noong Hunyo 17 na hindi ma-access ng mga subscriber ang website nito, na nag-udyok sa kumpanya na humingi ng tulong sa NTC. Ang Bulatlat ay naging target ng mga cyber attack mula noong huling bahagi ng 2020.
Kinumpirma ng isang unit sa ilalim ng Department of Information and Communications Technology na isang internet protocol (IP) address na nakatalaga sa Philippine Army ang umaatake sa Bulatlat at isa pang alternatibong media, ang Altermidya.
Itinanggi ng tagapagsalita ng Armed Forces of the Philippines na si Ramon Zagala ang mga alegasyon sa cyber-attack, at sinabing isa lamang itong “surfing activity.”
- Latest