Mga Pinoy sa abroad na nakaboto, higit 470K na
MANILA, Philippines — Nakaboto na ang mahigit 470,000 overseas absentee voters (OAVs) at nasa 60,000 local absentee voters (LAVs) para sa eleksiyon sa Mayo 9, ayon sa Commission on Elections (Comelec) nitong Sabado.
Nasa 427,559 ang OAVs na nakaboto na katumbas ng 27.84% ng kabuuang 1,697,215 registered voters overseas.
Kinabibilangan ito ng 181,399 OAVs na bumoto sa Middle East at Africa; 170,752 sa Asia-Pacific region, 72,323 sa North at South America at 48,084 sa Europa.
Habang ang 60,000 na LAVs ay katumbas naman ng 75% ng mahigit 84,000 registered LAVs sa bansa.
Kabilang dito ang 32,322 mula sa PNP, 20,219 sa Philippine Army; 2,756 sa Philippine Air Force, 1,653 sa DepEd at 868 miyembro ng media.
Ang overseas voting period ay idinaos ng Comelec simula Abril 10 at magtatapos hanggang sa mismong araw ng halalan sa Lunes habang ang LAV ay idinaos naman mula Abril 27 hanggang 29.
Una nang sinabi ng Comelec na ang maaari lamang iboto ng mga overseas at local absentee voters ay mga kandidato sa national positions, gaya ng pangulo, ikalawang pangulo, mga senador at party-list group.
- Latest