Roque bigo sa UN Int’l Law Commission
MANILA, Philippines — Bigo si Presidential spokesperson Harry Roque na makaupo sa United Nation’s International Law Commission.
Ang eleksiyon ng mga bagong miyembro ng ILC ay isinagawa sa ika-32 plenary meeting ng UN sa kanilang ika-76 session noong Nobyembre 12.
Matatandaan na kinumpirma ni Roque noong Hunyo na isinulong ng gobyerno ng Pilipinas ang kanyang nominasyon para maging bahagi ng UN body.
Ang kandidatura ni Roque ay tinutulan ng mahigit 150 abogadong Filipino mula sa iba’t ibang organisasyon dahil hindi umano ito karapat-dapat dahil sa pagtatanggol sa umano’y hindi katanggap-tanggap na pananaw ni Pangulong Rodrigo Duterte tungkol sa karapatang pantao, hustisya at mabuting pamamahala.
Sa kanyang inilabas na pahayag, sinabi ni Roque na hindi naging madali ang kanyang kampanya para sa ILC pero hinarap niya ito bagaman at siya ay nabigo.
Pinasalamatan din ni Roque si Pangulong Rodrigo Duterte dahil sa walang humpay na suporta sa kanyang kandidatura.
- Latest