PUJs arkilahin, gamitin sa libreng sakay – Ping

MANILA, Philippines — Para matugunan ang kawalan ng kita ng mga tsuper, iminungkahi ni Partido Reporma chairman at 2022 Presidential candidate Sen. Panfilo Lacson na gamitin ng gobyerno ang mga pampasaherong dyip sa programang libreng sakay ngayong panahon ng pandemya.

Ito ang isang nakikitang solusyon ni Lacson sa patuloy na paghihikahos ng sektor ng transportasyon dulot na rin ng patuloy na limita­syon na pinaiiral ng gob­yerno sa pagpasada ng mga PUJ dahil sa pandemya.

“Bakit hindi gamitin ‘yung libreng sakay sa jeepney na i-su-subsidize ng ­gobyerno?” banggit ni Lacson sa pakikipagdayalogo sa mga tsuper na miyembro ng Federation of Jeepney Operators and Drivers Association of the Philippines (FEJODAP) sa CALABARZON.

Bagama’t may libreng sakay program ang Department of Transportations (DOTr), mga malalaking kumpanya ng bus at asosasyon ng modern jeepneys ang kinontrata ng ahensiya.

At kahit pinapayagan na ring bumiyahe ang mga tradisyunal na PUJ sa ilang lugar, wala rin halos sumasakay dahil mas pinipili ng mga mananakay ang libreng sakay na sinusubsidiya ng pamahalaan.

Binalikan din ni Lacson ang ilang usaping naka­rating sa kanyang tanggapan sa Mataas na Kapulungan ng Kongreso tungkol sa pagmamadali ng pamahalaan na alisin sa mga kalsada ang mga tradisyunal na dyipni.

Hanggang sa ngayon ay nanatili aniya na nakabitin ang nabanggit na usapin.

Show comments