^

Bansa

122 bata, kawani ng bahay ampunan sa QC pare-parehong nagka-COVID-19

James Relativo - Philstar.com
122 bata, kawani ng bahay ampunan sa QC pare-parehong nagka-COVID-19
Makikitang nagsasagawa ng aktibidad ang mga batang ito sa Gentlehands Orphanage, Quezon City noong Mayo 2021
Mula sa Facebook page ng Gentle Hands

MANILA, Philippines — Nananawagan ngayon ng mahigpit na pagpapatupad ng minimum public health standards sa mga lugar ng trabaho at establisyamento ang isang alkalde matapos tamaan ng COVID-19 ang lagpas 100 katao sa isang orphanage sa Lungsod ng Quezon.

Umabot kasi sa 99 menor de edad at 23 iba pa ang nagpositibo sa sakit sa Gentlehands Orphanage sa Barangay Bagumbuhay, Quezon City. Sumatutal, 122 silang nadali.

Lumalabas na isang asymptomatic adult ang bumisita sa bahay ampunan nang hindi nalalamang dala-dala niya ang COVID-19, ayon kay QC Epidemiology and Disease Surveillance Unit (CESU) chief Dr. Rolando Cruz.

"Kailangang mapanatili ng mga ganitong closed long-term care facilities ang mahigpit na protocols dahil kahit isang kaso lang ang makapasok sa kanila ay madaling mahahawa ang lahat," ani Cruz sa isang statement, Huwebes.

'Walang bisita'

Sa kabila ng pahayag ng CESU, naninindigan ang pasilidad na lagpas isang taon na silang hindi tumatanggap ng bisita kung kaya't nagulat sila sa resulta ng COVID-19 tests.

"After 540 days of strict quarantine during this pandemic, (with no visitors at all) we were quite shocked to find our home positive for COVID," sabi ng Gentlehands kanina.

"We are thankful for God's continued grace and wisdom as we navigate this time. Please keep the children and all our staff in your prayers."

Agad namang tinugunan ng Office of the City Mayor ang pangangailangan ng erya at nagpadala ng paracetamol, vitamins, hygiene kits, face masks, alcohol at food packs.

Sambit pa ni QC Mayor Joy Belmonte, kayang-kaya sanang maiwasan ang mga ganitong insidente na naglagay pa sa mga bata sa peligro ng nakamamatay na virus.

"Mariin nating ipinapaala na ang hindi pagsunod o hindi pagpapatupad ng minimum public health protocols ay paglabag sa RA 11332," ani Belmonte.

"Dapat maging mahigpit ang ating persons in authority sa pagpapatupad nito para maiwasan natin ang pagkalat ng virus."

Inutusan na ng alkalde ang CESU na obserbahan nang maigi ang kalusugan ng lahat, lalo na ng mga tsikiting, at magsagawa ng active surveillance ng iba pang kahalintulad na lugar gaya ng mga nursing homes.

Ang mga nursing homes ay puno ng mga senior citizens na siyang mas delikado sa mas malulubhang sintomas at pagkamatay mula sa COVID-19.

Miyerkules lang nang umabot sa 2.13 milyon ang tinatamaan ng COVID-19 sa Pilipinas. Sa bilang na 'yan, patay na ang 34,672.

Maaaring magpadala ng pagkain at iba't iba pang supplies sa mga nasa bahay ampunan. Maaaring kontakin ang [email protected] at [email protected] para sa mga karagdagang impormasyon.

--

Disclosure: Si Quezon City Mayor Joy Belmonte ay shareholder ng Philstar Global Corp., na nagpapatakbo ng digital news outlet Pilipino Star Ngayon. Ang artikulong ito ay nilathala batay sa editorial guidelines.

vuukle comment

JOY BELMONTE

NOVEL CORONAVIRUS

ORPHANAGE

QUEZON CITY

Philstar
x
  • Latest
Latest
Latest
abtest
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

Get Updated:

Signup for the News Round now

FORGOT PASSWORD?
SIGN IN
or sign in with