House-to-house bakuna ikinokonsidera
MANILA, Philippines — Ikinokonsidera na ng Department of Health (DOH) ang pagsasagawa ng house-to-house vaccination para sa mga ‘vulnerable’ o iyong mga madaling tamaan ng virus na hindi kayang magpunta sa mga designated vaccination centers.
Inihayag ni DOH Secretary Francisco Duque III sa pagdinig ng House Committee on Health na bahagi ng plano para sa vaccine rollout ang house-to-house inoculation partikular na sa mga senior citizens at mga may kapansanan.
“This is part of the planning, especially for those who are very, very vulnerable and high-risk senior citizens,” ani Duque.
Sinabi rin ni Duque na ang house-to-house bakuna para sa mga senior citizens at mga vulnerable na mamamayan ay naglalayong maiwasang mahawa ang mga ito sa virus kung lalabas ng bahay at magtutungo sa mga itatalagang vaccination sites sa kani-kanilang mga lugar.
Ganito rin ang panawagan ni 5th District Quezon City Rep. Alfred Vargas sa pamahalaan para sa 10M senior citizens sa bansa.
Inirekomenda rin ni Vargas na isagawa ang pagtuturok sa kada Sitio kung sa probinsiya at maging sa mga Barangay kung hindi maisasagawa ang house-to-house para sa mga seniors.
Ang mga senior citizens gayundin ang mga tinedyer at mga bata ay hindi pinapayagang lumabas alinsunod sa kautusan ng Inter-Agency Task Force upang hindi mahawa ng COVID.
- Latest