^

Bansa

SOGIE bill hindi sersertipikahang 'urgent' ni Duterte

James Relativo - Philstar.com
SOGIE bill hindi sersertipikahang 'urgent' ni Duterte
Kagabi kasi, inakala ng lahat na pinapapaspasan na ni Duterte ang Sexual Orientation and Gender Identity and Expression Equality Bill, na magpaparusa sa diskriminasyong batay sa kasarian at pagkaakit.
InterAksyon/Bernard Testa, File

MANILA, Philippines — Kontra-diskrimininasyon sa pangkalahatan at 'di lang kasarian, 'yan daw ang tipo ng panukalang sesertipikahan bilang "urgent" ng Pangulong Rodrigo Duterte.

Kagabi kasi, inakala ng lahat na pinapapaspasan na ni Duterte ang Sexual Orientation and Gender Identity and Expression Equality Bill, na magpaparusa sa diskriminasyong batay sa kasarian at pagkaakit.

"[A]numang magpapasaya sa kanila. Gusto ko kagaya kay Senator Enrile, 'gusto ko happy siya,'" sabi ni Duterte nitong Martes.

Pero ayon kay presidential spokesperson Salvador Panelo, tinutukoy niya yaong panukala na kahawig ng sa meron sa Davao.

"Ang tinutukoy niya ay 'yung anti-discrimination law o bill, hindi 'yung SOGIE bill. Hindi 'yon," paglilinaw ni Panelo.

Duda naman ang tagapagsalita ng presidente kung sesertipikahan ito ng pangulo bilang urgent: "Sa tingin ko hindi."

Aniya, dapat ay walang paboran na iisang sektor ang gobyerno. Magkakaroon daw kasi ng problema pagdating sa "class legislation," na una nang ipinunto ni Sen. Vicente Sotto III.

"'[Y]ung anti-discrimination law sa Davao, patungkol sa lahat. Hindi mo pwedeng i-discriminate ang may kapansanan, special children 'yung may piniling kasarian. Sa lahat," dagdag niya.

"Dapat talagang general. 'Yun ang ayaw ni presidente kasi, 'pag nagdi-diskrimina ka laban sa isang uri."

Matagal na itong inilalaban ng mga lesbyana, bakla, bisexual, transgender at kanilang mga kakampi para magawaran ng mas pantay na turing sa lipunang Pilipino.

Gayunpaman, tinututulan ito ng ilang konserbatibong grupo, kabilang ang ilang relihiyoso, sa dahilang matatapakan daw nito ang "religious" at "academic freedom" nila.

'Walang dapat ika-dissappoint'

Sa kabila ng 'di pagsuporta sa SOGIE bill, sinabi ni Panelo na mas makatutulong pa nga kung ang mas "general" na anti-discrimination bill ang maisabatas ng Kongreso.

"[B]akit naman madi-disappoint sila? 'Pag anti-discrimination bill, na mas malaking bill kumpara sa iniisip niyo, oh 'di sasama rin sila doon," dagdag pa ni Panelo.

Nang tanungin si Panelo kung nabasa na ni Duterte ang SOGIE bill, winika ni Duterte na, "Sa tingin ko hindi." Basta't ayaw lang daw ng presidente ang diskriminasyon.

Hindi pa naman daw alam ng spokesperson kung maglalabas ng executive order ang pangulo patungkol sa paghihiwalay ng mga banyo.

Uminit kasi noong nakaraan ang isyu ng pag-aresto sa isang transgender woman sa Quezon City, matapos igiit na makagamit ng banyo ng babae.

Pakambyo-kambyong tingin sa isyung LGBT

Sa paglaon ng panahon, paiba-iba ang tindig ng presidente pagdating sa pagkilala sa kasal ng mga LGBT.

Marso 2017 nang sabihin ni Duterte na para lang sa lalaki at babae ang kasal.

Disyembre 2017 naman nang bumaliktad siya at sabihing pabor na siya rito.

Pero pagdating naman ng Hulyo 2018, sinabi ng Palasyo na tutol si Duterte sa same-sex marriage at pinapaboran ang isang civil union.

Bumuhos muli ang galit ng publiko ngayong 2019 nang sabihin ni Digong na "gumaling" na siya sa pagiging bakla noon.

Ilang beses na rin ginamit ng presidente ang salitang bakla bilang pag-atake sa kanyang mga kritiko — 2018 laban sa mga paring Katoliko at 2019 laban sa rebeldeng New People's Army.

vuukle comment

GENDER EXPRESSION

GENDER IDENTITY

LGBT

RODRIGO DUTERTE

SALVADOR PANELO

SEXUAL ORIENTATION

Philstar
x
  • Latest
Latest
Latest
abtest
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

Get Updated:

Signup for the News Round now

FORGOT PASSWORD?
SIGN IN
or sign in with