SC ruling sa Filipino kinuwestiyon ng senador
‘Korean language hindi pamalit’-DepEd
MANILA, Philippines — Kinuwestiyon ni Senador Bam Aquino ang desisyon ng Korte Suprema na nagtatanggal sa Panitikan at Filipino bilang core subjects sa kolehiyon sa pagsasabing dapat palakasin ang pagkakakilanlan bilang Pilipino at pagkilala sa ating pambansang wika.
“Sa kolehiyo lumalim ang pagmamahal ko sa bayan. Kaya mahalaga na hanggang tertiary level, tuluy-tuloy ang pag-aaral at pagpapalalim sa ating pagiging Pilipino, at malaking bahagi dito ang ating literatura,” wika ni Sen. Bam, principal sponsor ng batas na nagbibigay ng libreng edukasyon sa state universities and colleges.
“Kilalanin at ipagmalaki natin ang mga kababayan nating makata’t manunulat na maaaring maging inspirasyon sa ating mga estudyante sa kolehiyo,” wika ni Sen. Bam, vice chairman ng Committee on Education.
Samantala, sa lingguhang forum na Balitaan sa Maynila, sinabi ni 1-Ang Edukasyon partylist Rep. Salvador Belaro na kailangan ang unifying language ng bansa tungo sa ikapagbubuklud-buklod ng mga mamamayan.
Sabi ni Belaro, Filipino aniya ang nasimulan na gamitin mula kinder hanggang sa kolehiyo bago pa man maisabatas ang K-12 law na nagtatakda naman ng mother tongue bilang paraan ng pagtuturo sa mga rehiyon na hindi epektibo dahil lalo lamang mahihirapan ang mga estudyante.
Nilinaw naman kahapon ng Department of Education na hindi gagawing pamalit sa Filipino subject ang Korean language class sa basic education curriculum (BEC).
Ipinaliwanag ng DepEd na ang naturang dayuhang lengguwahe ay ituturo lamang bilang isang elective class at hindi magiging bahagi ng core subjects ng BEC, sa may 700 mag-aaral sa 10 piling junior high schools (JHS) sa National Capital Region (NCR).
- Latest