Lifetime cellphone number aprub
MANILA, Philippines — Aprub na sa bicameral conference committee ang panukalang gawing forever ang cellphone number ng mga subscribers kahit pa magpalipat-lipat sila ng mga cellular phone companies.
Nauna ng sinabi ni Sen. Sherwin Gatchalian, nagsulong ng panukala sa Senado, karapatan ng mga postpaid at prepaid subscribers na mapanatili ang kanilang numero ng telepono kahit pa nagpalit na sila ng telecommunication company o provider.
Naniniwala si Gatchalian na mas magkakaroon ng kompetisyon sa pagitan ng mga telecommunications kung magkakaroon ng kalayaan ang mga subscribers na lumipat na hindi kinakailangang magpalit ng cellular phone number.
Kapag naging batas, aatasan ang lahat ng Public Telecommunications Entity (PTE) na bigyan ang kanilang subscribers sa buong bansa ng Mobile Number Portability (MNP) para mas mabilis na makalipat sa nais nilang service provider.
Maari ring lumipat ang mga subscribers sa papasok na third telco company kung gugustuhin nila.
“Ngayon kasi kung marami kang cellphone numbers, isang malaking problema kung lilipat ka ay kakailanganin mo i-text ang lahat na papalitan mo na ang cell phone number mo, with this law, hindi mo na kailangan gawin yun,” sabi ni Gatchalian.
Idinagdag ni Gatchalian na walang magiging security impact ang panukala dahil ang dadalhin lang ay ang cellphone mo.
- Latest