Seguridad sa ‘election hotspots’ dinagdagan
MANILA, Philippines — Habang nalalapit na ang May 2019 elections mahigpit nang minomonitor ng Philippine National Police (PNP) ang seguridad ng “election hotspots” sa buong bansa.
Ayon kay PNP Chief Director General Oscar Albayalde, naglaan na sila ng karagdagang seguridad para mapaigting pa ang kanilang operasyon kasunod ng sunod-sunod na pagpatay na may kinalaman sa nalalapit na eleksyon.
Bukod sa national investigation task force na ginawa nila ay ini-activate na rin ang Special Operations Task Group na siyang mag-o-oversee sa police operations lalo na ang election related.
Kabilang sa mga lugar na nasa Election Watchlist Areas (EWAS) ng PNP ang La Union, Abra, Masbate, Zamboanga at Lanao del Sur.
Base naman sa datos ng PNP, nasugatan ang isang konsehal sa Zamboanga del Sur matapos pagbabarilin ng mga armadong lalaki ang sinasakyan ni Teomila Nobleza na planong maghain ng certificate of candidacy noong Lunes.
Habang sa Placer, Masbate naman ay nasawi si Councilor Antonio de Ocampo at nasugatan ang kanyang anak matapos silang barilin ng nag-iisang gunman. Si Ocampo ay plano rin tumakbo sa May 2019 elections.
- Latest