Ex-foreman kinatay sa diskuhan
BATAAN , Philippines – Pinabulagta ang 41-anyos na dating foreman ng gasolinahan matapos itong pagtulungang pagtatagain ng tatlong kalalakihan sa idinaos na diskuhan sa open court sa Sitio Tacloban, Barangay Lucanin sa bayan ng Mariveles, Bataan kamakalawa ng gabi. Napuruhan sa mukha at leeg ang biktimang si Alfredo Eublera, may-asawa, ex-foreman sa Oil Jetty sa Sitio Hardin sa Barangay Lucanin. Sa pagsisiyasat ni PO3 Charlston Valenzuela, kasama ng biktima ang tatlong kaibigang sina Judemar Galit, Alfredo Ruiz, at Bonifacio Basay Jr. na dumalo sa diskuhan. Makalipas ng ilang oras na inuman ay lumapit ang ilang kalalakihan na nakihalubilo sa kanila. Gayunman, nagpaalam na ang tatlong kaibigan kung saan naiwang mag-isa ang biktima at ilang lalaki na nakipag-inuman din. Gayunman, kinaumagahan ay natagpuan ang duguang katawan ng biktima sa madamong bahagi ng nasabing lugar na pinaniniwalaang pinagtulungang patayin saka itinapon.
- Latest