Pag-torture ng mga pulis sa detainees pinaiimbestigahan
MANILA, Philippines – Pinapaimbestigahan ni Sen. Koko Pimentel ang ulat na tumataas ang bilang ng pag-torture sa mga detainees na nasa pangangalaga ng pulisya.
Ayon kay Pimentel, mahalagang masilip kung totoo ang iniulat ng Amnesty International (AI) kaugnay sa nagaganap na pagpapahirap sa mga detainees.
Naniniwala ang senador na dapat magkaroon ng batas na pipigil sa mga “torturous activities” at magkaroon ng mekanismo sa pagsasagawa ng epektibong imbestigasyon sa mga iniuulat na insidente ng torture.
Sa ulat ng AI, may 75 kaso umano ng torture ang naitala noong nakaraang taon na pinakamataas na insidente kung saan sa 60 kaso ay sangkot ang mga pulis.
“We are faced with a situation where those who are primarily entrusted to enforce the law, serve the people, and protect their welfare may have been the ones who may have violated the laws that they are bound to execute,” ani Pimentel.
Naniniwala ang senador na mas marami pang kaso ang hindi naiiulat dahil sa kawalan ng tiwala ng mga biktima sa justice system ng bansa.
- Latest