^

Bansa

‘Barangay Star’ sa Canlubang legacy ni Ma’am Betty

Ramon Bernardo - Pilipino Star Ngayon

 Isa sa makabuluhan at habambuhay na legasyang naiwan ng pumanaw nang si Mrs. Betty Go-Belmonte, dating presidente ng Pilipino Star Nga­yon, ang programang pabahay na inilunsad niya para sa mga empleyado ng Star Group of Publication noong unahan ng dekada ’90. Isa iyong legasya na ipinagpapatuloy hanggang sa kasalukuyan ng anak niyang si Sir. Miguel G. Belmonte na siya ngayong presidente at CEO ng PSN.

Nagkaroon noon ng mga meeting para sa mga empleyadong nais pumasok sa naturang programa at manirahan sa Canlubang, Laguna na unang lugar na pinag­lunsaran ng pabahay na ito.

Marami siyempre ang nag-iisip, naeengganyo, nagdadala­wang-isip din o kaya ay nag-aalanganin o nagtatalo ang kalooban dahil hindi basta-basta ang pag­lipat ng paninirahan.

Pero, dahil mga mi­yembro rin ng hinawakan ito kinalaunan ng Home Mortgage. Social Security System ang mga empleyado, magi­ging magaan lang ang pagbabayad nila sa kukunin nilang bahay at lote na kakaltasin sa buwanan nilang sahod.

Marami ang sumali at nakilahok sa isinagawang raffle para sa lote at bahay na pagpipilian sa San Ramon, Kapa­yapaan,  Asia-1 sa Canlubang. Kaya bukod sa mga emple­yado ng Pilipino Star Ngayon, kumuha rin ng bahay doon ang mga emple­yado ng Philippine Star at Pilipino Prin­ting na pawang saklaw ng Star Group of Publications.

Hindi naman natapos sa pag-aalok sa mga empleyado ng pabahay ang naturang programa. Inayudahan din ng kumpanya ang mga empleyado sa mga papeles na kailangan. Maging sa pagpapa­kabit ng linya ng ilaw at tubig ay uma­lalay ang kumpanya.  At maging sa sasakyan ay pinahiram sila para magamit sa paglipat nila sa bago nilang bahay sa Canlubang.

Bukod dito, naglaan din si Gng. Belmonte ng mga sasakyan para magamit ng mga empleyado sa pag-uwi sa Canlubang mula sa opisina sa Port Area, Manila o pagpasok sa opisina mula Canlugang. Isa ito sa naging kaluwagang ibinayaya ng  kumpanya sa mga empleyado na sumasalamin sa marubdob na pagkalinga ni Gng. Belmonte sa mga ito.

Isang oras lang naman ang biyahe kung hindi matrapik. Mala­king bagay ang shuttle na ito lalo pa kung masama ang panahon at buma­bagyo. Nakakapasok sila sa trabaho at nakakauwi nang matiwasay. Bukod dito, mahirap ang transportasyon sa Canlubang kapag gabi. Bihira ang sasakyan.

Dati, noong unang paninirahan nila sa Canlubang, kilala pa bilang San Ramon ang nilulugaran nila. Sa kasalukuyan ay kilala ito bilang Kapayapaan Ville.

Halos bagong gawa lang ang naturang subdibisyon. Maraming lugar ang halos damuhan pa pero napakaraming mga halaman at punongkahoy.

Napakasimboliko na sa pagbubukas nito at pagtatayuan ng mga bahay ay nagsisimula na ring manirahan dito noon ding dekada 90 ang mga empleyado ng Pilipino Star Ngayon at iba pang nasa ilalim ng Star Group of Publication.

Halos karamihan ng mga bahay ay wala pang bakod, hindi pa napapalitadahan ang mga pader, at napaka­lamig dahil wala pa ngang gaanong naninirahan lalo na kung gabi na lalong maginaw kahit mga buwan pa lang iyon ng Hulyo. 

Halos bagong buhay iyon sa mara­ming empleyado at kanilang mga pamilya sa Canlubang lalo na yaong mga bagong kasal at nagsisimula pa lang magkaroon ng mga anak o bumuo ng pamilya.

Nagkaroon ng tila mas malakas na ugnayan ang mga empleyado dahil bukod sa magkakasama sa trabaho ay naging magkakapitbahay pa sila. Meron sa kanila na naging mga magkumare o magkumpare, merong mga nakuhang ninong o ninang, at nagkakatulungan sa big­laang panga­ngailangan.

Mahigit dalawang dekada na silang naninirahan doon. Ilang saglit na lang at mapapasakamay na nila ang pinakaa­sam nilang titulo ng kanilang bahay at lupa.

Pero, sa haba ng panahong iyan na nagdaan, hindi maiaalis ang iba’t-ibang klase ng pagbabago dahil bawat empleyado ay merong partikular na mga sitwasyon. 

Meron sa kanila na ibinenta na lang ang kanilang bahay o ipinaupa sa iba (nagretiro na kasi at nanirahan sa ibang bansa o may iba pang kadahilanan).

Meron  na ngang inabutan ng pagreretiro pero, ang tiyak, meron siyang sari­ling bahay  at lupa na patuloy niyang mapapanirahan. Ang iba, ginawang negosyo ang bahay.

Pinaupahan nila ito na patuloy naman nilang pinagkakakitaan.

Isa ngang dating empleyado (retirado na siya), sa halip na siya ang tumira sa kinuha niyang bahay sa Canlubang, ay ang isa niyang anak na isang guro ang pinatira niya  roon. Ginawang eskuwelahan ang naturang bahay.  Lumaki ang eskuwelahan nang mabili nito ang katabi nitong mga bahay at isa na ngayon ito sa mga kinikilalang educational institution sa Canlubang.

Ang iba ay nagtayo ng sari-sari store sa harap ng kanilang bahay na ma­laking bagay na nagpadagdag sa kanilang kinikita.

Meron nga diyan na pumanaw na pero natiyak naman niya na merong masisilungan ang kanyang pamilya kahit wala na siya.

At sa nagdaang mahigit dalawang dekada, marami na sa kanila ang tumanda at nagkaroon ng mga apo. Sa Canlubang na lumaki ang kanilang mga anak hanggang sa makatapos ng pag-aaral at magkaroon  ng sariling pamilya.

Gaano ba kahalaga ang magkaroon ng sariling bahay? Totoo pa rin ang palasak na “manakawan na ako nang 10 beses, huwag lang ako masunugan ng bahay.”

Halos 1,000 piso lang ang buwanang bayad ng mga emple­yado sa bahay nila sa Canlubang. Hindi na nga halos ito nararamdaman dahil awtomatiko nang kinakaltas sa kanilang sahod. Wala nang ganitong bahay sa kasalukuyang panahon. Mapalad nga ang mga empleyadong kumuha ng bahay sa Canlubang nang panahong iyon dahil sa napakataas ng kasalukuyang halaga ng mga lote at bahay. Lote pa lang ngayon ay halos isang milyon na ang halaga.

Isa sa matagal nang naninirahan sa Canlubang si Rommel Condino na isang computer operator at matagal nang empleyado ng Pilipuno Star Ngayon. “Bago ako lumipat sa Laguna ay sa Gagalangin, Tondo, Manila nangungupahan kami ng pamilya ko sa bahay ng aking tiyo. Malaki ang pinagbago ng buhay ko sa paglipat ko ng Canlubang dahil nagkaroon ako ng sariling bahay at lupa at dito na rin lumaki at nagkaisip ang mga anak ko. Nung ialok sa amin ang pabahay ay nagdalawang isip pa ako dahil sa malayo ang Canlubang sa Maynila pero, naisip ko, okay lang dahil meron ngang shuttle kaya tnanggap ko. Masuwerte naman at hanggang ngayon ay me serbisyo pa rin kami. Sa 2016 ay makukuha ko na ang titulo ng lupa ko,” wika pa ni Rommel.

    Ayon naman kay Rollie Villena, scanner operator at mister ng namayapa nang sports editor ng Pilipino Star Ngayon na si Dina Villena,  dati silang nakatira noon sa Kapiligan St. sa Quezon City. “Lumipat kami sa Canlubang mga Hunyo 1991. Nagbago ang buhay namin nang magsimula kaming tumira sa Canlubang kasi hindi na nagkakasakit ang mga anak ko,” kuwento pa ni Rollie. “Hindi kasi gaya ng dati sa Kapiligan sa QC na sabay-sabay silang nagkakasakit o kaya sabay-sabay naoospital. Nakatira kasi kami noon sa tabi ng creek. Nahimok kaming tumira sa Canlubang kasi sabi nila maganda ang lugar, sariwa ang hangin at may shuttle service ang opisina ng Star. Sariwa rin ang mga bilihin gaya ng gulay, isda, manok at prutas.”

  Si Luchi Quintana na computer operator ng PSN at ang kanyang pamilya ay dating nakatira sa  San Miguel, Manila “bago kami lumipat sa Canlubang.”

  “Natuwa naman kami na nagkaroon ng pa-housing ang Star Group dahil magkakaroon kami ng sariling bahay,” wika pa ni Luchi. “Kahit malayo sa office, okey lang dahil provided naman ng shuttle bus ang mga  empleyado dito. Wala ring problema sa pag-aaral ng mga bata dahil mayroon na ring paaralan, at  malapit din ang palengke at church. Mga 5 years from now, makakamit na namin ang titulo, thanks God. Bukod po dito, mayron pa po akong bahay sa Terra Solana, General Trias, Cavite na kasalukuyang may naupa. Ito naman ay noong taong 2007 na isa ring pa-housing ng Star Group. Nagbago ang buhay namin dahil dito sa pinaglilingkuran namin opisina, walang iba kundi ang Star Group of Publication. Nagpapasalamat kami sa aming  opisina lalo na kay Sir Miguel dahil sa kanyang kabutihan sa lahat  ng empleyado. Lahat ng benefits ay narito na at wala ka nang hahanapin pa ’ika nga. Salamat Panginoon  sa patuloy na blessing na binibigay sa atin. Nawa’y patuloy pagpalain pa ang Star Group lalo sa mga namamahala dito, lahat ng departamento, nawa’y gabayan tayo sa ating mga ginagawa upang lalong tangkilikin ang ating pahayagan. ‘‘God bless us all!’’

     Bukod sa Canlubang, lumawak pa ang programang pabahay ng Star Group of Publication sa gabay ni Sir Miguel Belmonte. Nariyan ang sa General Trias, Cavite at San Pedro, Laguna. Tulad ng mga nasa Canlubang, meron din silang shuttle service na naghahatid papasok sa opisina at pauwi. Kinakaltas din sa kanilang sahod ang buwanan nilang bayad sa bahay at idinaan din ito sa PAGIBIG.

  Dating nakatira sa Libis Nadurata sa Caloocan City si Jo Cagande-Reducto, Libangan editor ng PSN. Kabilang naman siya sa mga nanirahan sa pabahay ng kumpanya sa General Trias sa Cavite. Ayon kay Jo,”maganda ang offer ng kumpanya para magkaroon ng sariling bahay ang mga empleyado. Pinakawalan ang 50K equity at hulugan na pinababayaran sa mga empleyado. Maganda ang lugar.  Higit sa lahat, may shuttle, mas makakatipid ang mga empleyado sa arawang pasahe, alaga pa sa panahon ng tag-ulan.”

  Idinagdag pa ni Jo na, sa pagtira nila ng kanyang pamilya sa Cavite, “mas naging independent at organize sa pagtataguyod ng sarili kong pamilya.”

vuukle comment

BAHAY

CANLUBANG

DAHIL

EMPLEYADO

ISA

SHY

STAR

  • Latest
Latest
Latest
abtest
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

Get Updated:

Signup for the News Round now

FORGOT PASSWORD?
SIGN IN
or sign in with