MANILA, Philippines - Itinaas ng Agricultural Sector Alliance of the Philippines (AGAP) sa P600,000 ang reward money para sa ikadarakip ng suspek at mastermind sa pagpatay kay Salvador ‘Sonny’ Garong na inambus noong Agosto 6 sa San Sebastian Cathedral sa Lipa City, Batangas.
“Ang P300,000 ay para sa pagkahuli ng salarin at ang hiwalay na P300,000 ay para sa pagkakilala o pagkaaresto din ng mastermind sa krimen,” ani AGAP Rep. Nicanor Briones.
Si Garong ay binaril ng isang nakamotorsiklo habang nagmamaneho ng Toyota Delica (TCJ-414) kasama ang bayaw na si Dr. Ernie Reyes. Ang biktima ay miyembro ng Alliance for Consumer Ownership of Batelec 2 (ACOB 2) at aktibong tumutulong at nakikipaglaban para sa conversion ng Batangas Electric Cooperative II (Batelec II) tungo sa isang tunay na kooperatiba sa ilalim ng Cooperative Development Authority (CDA).
Si Rep. Briones ay una na ring tumanggap ng pagbabanta sa kanyang buhay mula ng pangunahan niya ang laban na baguhin ang istraktura ng Batelec II mula sa non-stock non-profit cooperative na nakarehistro sa National Electrification Administration (NEA) ay gawing stock cooperative na nakarehistro sa CDA upang ito ay maging tunay na kooperatiba na pag-aari ng mga consumer.