1-M reservists target ng AFP vs kalamidad

MANILA, Philippines - Pinaplano ng Department of National Defense (DND) na paabutin ng 1 milyon ang kabuuang puwersa ng Armed Forces of the Philippines (AFP) reservist dahil sa malaking pangangailangan sa search and rescue team lalo na sa panahon ng kalamidad.

Sa pahayag ni Defense Secretary Voltaire Gazmin kaugnay ng pagdiriwang kahapon ng 33rd National Reservist Week sa Camp Aguinaldo, nasa mahigit 200,000 lamang ang puwersa ng AFP reservist sa buong kapuluan.

“Our ambition eh paabutin natin ng 1 million kahit hanggang 3 M, that’s the overall plan,” ani Gazmin.

Sa loob ng susunod na tatlong taon ay target nilang maabot ang 1 milyong AFP reservists.

Binigyang diin pa ng kalihim na malaki ang naitu­tulong ng mga reservist sa disaster response sa panahon ng kalamidad lalo na sa mga pagbaha at landslide.

Samantala, na-promote na kahapon bilang Lieu­tenant Colonel si Jude Ejercito, anak ni dating Pangulong Estrada, na kabilang sa aktibong reservist official ng Philippine Air Force (PAF).

Si Jude ay ginawaran ng karagdagang insignia kasabay ng anibersaryo ng AFP reservist.

Ang dating presidential son ay sumapi sa PAF reservist noong panahon ng kaniyang amang si Erap.

Noong 1999 ay isa na kaagad PAF reservist Captain si Jude matapos mabigyan ng promosyon.

Isa lamang si Jude sa mga kilalang personalidad na sumapi sa reservist na pinili ang hukbong panghimpapawid ng bansa.

Ilan pa sa mga sikat na reservist si boxing champ at Sarangani Rep. Manny “Pacman” Pacquiao na pinili naman ang Philippine Army. (Joy Cantos)

Show comments