Karnaper natunton sa ospital

MANILA, Philippines - Natunton ng pinagsanib na puwersa ng Manila Police District (MPD) at PNP-Highway Patrol Group ang isang sugatan sa shootout na karnaper na nakaratay sa Gat Andres Bonifacio Memorial Medical Center (GABMMC) at kasalukuyang bantay-sarado ito ngayon ng mga awtoridad.

Kinilala ang arestadong suspect na si Honeywell Tigas  Abella, 36, tambay, may-asawa at residente ng Block 12, Lot 4, San Imost, Delpan, Tondo,  Maynila na may tama ng bala sa braso at sikmura.

Nakaengkuwento si Tigas ng grupo ni  Chief Insp. johnny Gaspar at grupo ni  P/Sr.Insp. Rosalino Ibay ng PNP-HPG, malapit sa lugar ni Tigas dakong alas-2 ng hapon kamakalawa. 

Bago ang nasabing pagdakip, nitong nakaraang Agosto 22, naganap umano ang tangkang pagtangay ni Tigas sa motorsiklo na pag-aari ng isang Rosalito Mendoza sa isang eskinita sa Sevilla  st., Tondo, dakong alas-3 ng madaling araw, batay sa kuha ng closed-circuit television.

Dahil bigong matangay, binalikan ito ng suspect kinabukasan na lingid sa kaniyang kaalaman ay nakaposte na sa lugar ang isang PO1 Michael Libunao, tauhan ni Sr. Insp. Ibay at nang matunugan ng suspect ay tumakbo ito na nauwi sa habulan at bumunot pa umano ang suspect ng baril subalit naunahan siyang pumutok ni Libunao na ikinasugat niya.

Nagawa pang makatakas ng sugatang suspect kaya agad ding nagsagawa ng follow-up operation hanggang sa matunton sa nasbing ospital.

Nakatakdang sampahan ng kasong carnapping, resistance to lawful arrest at assault upon a person in authority ang suspect.

Ayon kay P/Supt. Ernesto Tendero, sa PNP-HPG ang credit ng pag-aresto sa suspect at ang insidente umano ng nakawan ay naganap sa hurisdiksiyon ng MPD-station 1.

Show comments