Sigaw ng pamilya Maguan, Go, bulukin na sa kulungan!

MANILA, Philippines - “Bulukin na sa kulu­ngan, ibalik sa maximum prison at alisin na ang ipinagkaloob na parole ng gobyerno sa convicted killer na si Rolito Go.”

Ito ang sigaw at kahilingan kahapon sa mga awtoridad ni Elliot Maguan, bunsong kapatid ng biktimang si Eldon Maguan makaraang muling madakip ng mga awtoridad si Go na unang napaulat na dinukot.

Sa ipinatawag na presscon ng pamilya Maguan, sinabi ni Elliot na hindi sila naniniwala na dinukot si Go, sa halip ay tumakas ito dahil ilang beses na rin niyang ginawa ang pagtakas at muli lamang naaaresto ng mga awtoridad.

Base sa record, noong Nobyembre 1993 ay una na ring tumakas si Go sa Pasig City Jail bago ibaba ng korte ang sentensiya laban sa kanya na muli lamang nadakip noong 1996 at inilipat sa Bilibid prison sa Muntinlupa City.

Noong 2011 ay nabuko rin na palabas-labas ng Bilibid prison si Go, kasabay ng pagkakabunyag ng pagtakas din ng kulu­ngan ni dating Batangas Gov. Antonio Leviste.

Show comments