MANILA, Philippines - Humihingi ng paglilinaw ang mga grupo ng bus operators sa Korte Suprema kung nararapat bang ipatupad ng gobyerno ang fixed salary scheme sa mga driver ng bus kasunod ng pagbawi sa ipinalabas na status quo ante order laban sa nasabing kautusan.
Batay ito sa inihaing urgent manifestation with motion for clarification ng kampo ng mga petitioner na kinabibilangan ng Provincial Bus Operators Association of the Philippines.
Inihain ng petitioner ang mosyon makaraang tukuyin ni Labor Secretary Rosalinda Baldoz na itutuloy na nila ang pagpapatupad ng DOLE order 118-12 na naglalaman ng fixed salary scheme kasunod ng pagbawi sa Status Quo Ante Order ng SC.
Pero naninindigan ang mga petitioner na hindi naman binawi ng hukuman ang status quo ante order kundi ipinagpaliban lamang.
Wala rin umanong nakasaad sa order of deferment ng Korte Suprema na inaatasan nito ang DOLE na ipatupad ang kinukuwestiyong kautusan.
Naniniwala ang mga petitioner na kung itutuloy ang pagpapatupad ng fixed salary scheme habang nakabinbin pa ang isusumiteng komento ng kanilang kampo, gayundin ang desisyon ng Korte Suprema ay mababalewala ang integridad ng hukuman at ang mga proseso nito at maituturing din itong paglabag sa subjudice rule.