MANILA, Philippines - Tatlong Pinay teacher ang kabilang sa 19 katao na namatay sa malaking sunog sa isang shopping mall sa Doha, Qatar.
Sa report ni Ambassador Crescente Relacion ng Embahada ng Pilipinas sa Doha, kinilala ang mga nasawi na sina Maribel Orosco, Margie Yecyec at Julie Ann Soco, pawang nursery teachers sa Gymphanzee Nursery School na matatagpuan sa nasunog na Villagio Mall.
Isa pang OFW na nakilalang si Michael Orosco, kapatid ng isa sa mga nasawi, ang isinugod sa Hamad Hospital sa Doha dahil sa hirap sa paghinga bunsod sa nalanghap na usok. Nasa maayos na umanong kalagayan si Michael.
Sa paunang pagsisiyasat ng Doha authorities, 13 (pitong babae at anim na lalaki) sa mga nasawi ay mga batang mag-aaral ng nasabing nursery school at apat na guro na pawang kababaihan kabilang na ang tatlong Pinay. Nagsimula umano ang sunog sa nursery dakong alas-11 ng umaga (oras sa Qatar) kamakalawa at hindi na nagawa pang makalabas ng mga biktima.
Sinabi ni Relacion na baguhan lang sa Qatar ang nasabing mga Pilipina at humahawak ng visit at business visa. Nakikipag-ugnayan na ang DFA at Embahada sa mga kaanak ng mga biktima para sa agarang pagpapauwi sa mga labi. (Ellen Fernando/Chris Panganiban)