Ating-Koop may kumbensyon ngayon

MANILA, Philippines - Magdaraos ngayong araw, May 5, ng kanyang ikatlong pambansang kumbensyon ang Adhikaing Tinataguyod ng Kooperatiba (ATING-KOOP) Party-List sa Mandaue City, Cebu upang patibayin ang kanyang mga plano, programa at adhikain para sa sektor ng kooperatiba sa Pilipinas.

Sinabi ni Rafael Puen­tespina, pangulo ng Ating Koop party-list, ang kumbensyon na may temang “Moving Forward in the Service of the People” ay dadaluhan ng mga delegado mula sa ibat-ibang rehiyon ng bansa na kumakatawan sa mga pederasyon/unyon ng kooperatiba na nakaugnay sa Ating-Koop party-list.

Magbubukas ang kumbensyon sa pamamagitan ng isang misa ni Father Mar D.J. Arenas, dating pangulo at isa sa mga nagpunyagi upang maitatag ang Ating-Koop.

Si Congressman Isidro Q. Lico, kasalukuyang kinatawan ng partido sa Kongreso, ay magsasalita rin upang mag-ulat ng kanyang mga nagawa bilang isang mambabatas at maglalahad din ng mga balakin ng partido para sa May 2013 elections.

Ang Ating-Koop party-list na nakakuha ng isang upuan sa Kongreso noong nakaraang halalan ay sinertipika ng Commission on Elections noong November 9, 2009 bilang isang party-list na kumakatawan sa sektor ng kooperatiba.

Umaasa ang mga opis­yal ng partido na ang matagumpay at walang humpay na pagtataguyod ng Ating Koop partyt-list sa kooperatiba sa bansa kaalinsabay ng kanyang malawak na pagkilos sa sektor ay magiging puhunan upang higit itong tangkilikin sa darating na halalan sa Mayo 2013.

Show comments