LPP binara ni Gov. Imee

MANILA, Philippines - Pinabulaanan ni Ilocos Norte Governor Imee Marcos ang pahayag ni League of Provinces of the Philippines  (LPP) President Oriental Mindoro Gov. Alfonso Umali at Ilocos Sur Gov. Chavit Singson na pabor sila sa unitary excise tax system para sa produktong tabako at alcohol.

Ayon kay Marcos, nakakalungkot umano na sina Governors Umali at Singson ay gumawa ng ganitong pahayag samantalang nagmula sila sa mga tobacco growing provinces at ang kanilang mga constituents ay tobacco farmers bukod pa dito na ang kanilang lalawigan ay tumatanggap ng pondo mula sa kanilang share sa tobacco tax collections.

Dahil dito kaya umapela si Marcos sa kanyang mga kapwa gobernador na ikonsidera ang sitwasyon ng may 2.9 milyon tobacco farmers,workers at kanilang pamilya bago suportahan ang panukalang batas ni 1st district Cavite Rep. Joseph Emilio Abaya dahil wala umanong mangyayari sa sandaling pigilan ang pangunahing pinagkukunan ng kabuhayan ng kanilang mga kababayan.

Paliwanag pa nito na ang kasalukuyang “four-tiered tax system” ay hindi binuo upang magdulot ng monopolya kundi magbigay ng suporta sa local na industriya sa pamamagitan ng pagbabayad ng tax sa mga small players ng mababang halaga kum­para sa mga matataas na premium brands.

Show comments