MANILA, Philippines - Sa kauna-unahang pagkakataon ay naglahok ng isang float ang Villar Foundation sa taunang Panagbenga Festival upang ipagmalaki ang mga pakinabang at likha mula sa mga nagkalat na waterlily sa mga ilog.
Ang delegasyon ng waterlily float ay pinangunahan ni Villar Foundation Managing director at dating Las Piñas Congresswoman Cynthia A. Villar na kung saan ay nagmula pa sa kanyang lungsod na patuloy na pinagsisilbihan ang naturang float.
Ipinakita ng naturang float ang mga likhang sining at kabuhayan na ginagawa ng mga mamamayan at isinusulong na livelihood project at green social enterprises ng Villar Foundation.
Ang nasabing float ay pinalibutan, binigyang buhay at kulay ng mga mats at iba pang mga handicrafts na gawa mula sa waterlily o sa hyacinths at coco husks na bahagi pa rin ng rehabilitasyon ng Villar Foundation sa mga bumabarang waterlily sa Las Piñas-Zapote river.
Ang waterlily at mga bagay-bagay na likha mula dito ang siyang naging sentro at tema ng float. Sa kasalukuyan ang water hyacinth weaving enterprise ay nagbibigay ng trabaho at kabuhayan sa 200 pamilya sa Lungsod ng Las Piñas.
“Kung ang Baguio ay itinuturing na ‘Summer Capital” ng Pilipinas, kinikilalala naman ngayon ang Las Piñas bilang isang ‘Water Hyacinth Capital sa Metro Manila’. Kami ay lubusang natutuwa at ipinagmamalaki namin na ginawa naming isang kabuhayan at works of art na ipinakita sa mga gown sa float ang mga mistulang salot sa ilog na mga waterlily,” pagmamalaki ni Villar.