MANILA, Philippines - Isinumite ng Malacañang sa Kamara ang bagong version ng Freedom of Information (FOI) bagama’t hindi ito napabilang sa naunang 13 priority measures ni Pangulong Benigno Aquino III na natalakay sa Legislative-Executive Development Advisory Council (LEDAC) noong nakaraang taon.
Sinabi mismo ni Pangulong Aquino kamakalawa ng gabi, ang bagong bersiyon ng FOI na kanyang ipinasumite sa kanilang mga kaalyado sa Kamara ay magiging instrument para sa transparency at access to information sa gobyerno.
“We want every other administration voted into power to work under the same standard of transparency and accountability that we have set for ourselves. This is a significant step toward achieving that goal,” wika pa ni P-Noy.
Ipinaliwanag ni Presidential Communications Usec. Manolo Quezon, kabilang sa FOI bill ay ang pagsasapubliko sa SALN ng Pangulo, Vice-President, miyembro ng Gabinete, miyembro ng Kongreso, Korte Suprema, opisyal ng AFP at lahat ng constitutional offices.
Samantala, sinabi ni Deputy Presidential Spokesperson Abigail Valte na bagama’t hindi napabilang sa naunang tinalakay na 13 priority measures sa LEDAC ang FOI ay isusulong ito ng administrasyon.
Samantala, papaspasan na ng House Committee on Public Information ang pagpapatibay ng Freedom of Information (FOI) bill matapos itong patulugin ng maraming buwan.
Sinabi ni Committee chairman at Eastern Samar Rep. Ben Evardone, agad nilang isasalang sa deliberasyon ang FOI bill sa pagdinig nila ngayon buwan ng Pebrero.
Ikinatuwa naman ng isa sa principal author ng panukala na si Deputy Speaker Erin Tañada na nabuo na rin ang Malacañang version ng FOI bill at ang sarili niyang bill ang naging template nito.