Naiwang briefcase sa Senado inakalang may bomba

MANILA, Philippines - Isang brief case na naiwan sa parking lot ng Senado­ ang lumikha ng bahagyang kaguluhan matapos akalain na may bomba ito.

Ang nasabing itim na briefcase ay naiwan ilang metro­ lamang ang layo sa main entrance ng Senado at napansin isang oras bago magsimula ang ika-apat na araw ng impeachment trial ni Chief Justice Renato Corona.

Tumawag si Senate Sergeant-at-arms Jose Balajadia sa Pasay City Police bomb squad matapos lagyan ng kordon ang lugar na kinalalagyan ng brief case.

Hindi naman inupuan ng ginamit na bomb sniffing dog ang itim na briefcase na indikasyon umano na wala itong bomba.

Kinuha ng mga pulis ang nasabing briefcase at dinala sa disposal unit ng Pasay City Police kung saan natuklasan na mga cable lamang ang laman at posibleng naiwan ng miyembro ng media o ng crew ng mga television network na nagko-cover sa impeachment trial ni Corona. Natuklasan na ang brief case ay naiwan ng FEBC crew.

Show comments