Palparan gagayahin si Ping?

MANILA, Philippines - Hindi malayong pamarisan umano ni ret. Army Major General Jovito Palparan ang ginawang pagtatago noon ni Senador Panfilo “Ping” Lacson dahil sa “political persecution” ng gobyerno.

Si Palparan ay wan­ted sa batas kaugnay ng umano’y kasong kidnapping at illegal detention sa dalawang UP students na sina Karen Empeno at Sherlyn Cadapan noong 2006.

Sa pahayag ni Atty. Narzal Mallares, isa sa mga abogado ni Palparan, hindi prosecution kundi persecution ang dinaranas ngayon ng kanyang kliyente.

Dahil dito, sinabi ni Mallares na posibleng tularan ni Palparan si Lacson na nagtago sa batas matapos magpalabas ng warrant of arrest noong 2010 ang Manila Regional Trial Court kaugnay ng umano’y pagkakasangkot sa binuhay ring kaso ng pagpatay kina publicist Bubby Dacer at sa driver nitong si Emmanuel Corbito noong 2000.

Una nang inihayag ni Palparan na wala pa siyang planong sumuko dahilan hindi umano siya makakakuha ng patas na hustisya sa ilalim ng administrasyong Aquino na tinarget ang mga kaalyado ni dating Pangulong Gloria Arroyo.

Sina Lacson at Palparan ay kapwa dating mga intelligence officer at mahuhusay magtago kaya hirap ang mga awtoridad na makorner ang mga ito.

Show comments